ANO ba talaga ang nangyayari sa Commission on Elections?
Gusto ba nito talagang linisin ang napakaruming pulitika sa bansa o talagang nagpapagamit na lang ito para sa mga pampulitikang interes ng kung sino-sino o pinagkakakitaan na lamang ng kung sino-sino?
Napakarami nang pangyayari upang bigyan ng katwiran ang mga mamamayan na maglabas ng kanilang pagdududa sa ahensyang ito.
WALANG PONDO SA RECALL
ISA sa mga pinakahuling kuwestyonableng gawa ng Comelec ang pagdedeklara nitong wala itong pondo para sa mga recall election.
Dahil sa kawalan umano ng pondo, basta na lang isinara ng komisyong ito ang pintuan nito sa lahat ng recall election.
Hindi ito gumawa ng paraan para maghanap ng pondo. Halimbawa, hindi man lang ito nag-effort na humiling sa Malakanyang ng ayuda para sa paggawa ng Kongreso ng supplemental budget para rito.
Isa pa, ganito na ba kakitid ang utak ng komisyon at hindi ito humiling sa Kongreso ng pondo para sa eleksyong ganito, nitong nakaraang taon sa kabila ng posibilidad na magkaroon ng mga recall petition at eleksyon?
MAY PONDO
HETO, Mang Sixto Brillantes, ang katotohanan.
Sabi ng Department of Budget and Management, may pondo ang Comelec na mahigit sa P1.4 bilyon, kasama na ang para sa recall elections.
Tanong: Simula ba nitong nakaraang araw na nagsabi ng totoo at hindi kasinungalingan ang DBM, kumilos na ba ang Comelec para kilalanin ang kagustuhan ng taumbayan para sa recall election?
Wala tayong naririnig na pagkilos, mga Bro. Kung hindi kikilos ang Comelec, hindi ba nito nilalapastangan ang mamamayan na nangangarap na malinis ang kanilang bayan sa kamay ng mga korap, mandarambong at abusado sa kapangyarihan?
Ang korapsyon at pandarambong, mga Bro, pangunahing dahilan kung bakit may mga recall petition sa kasalukuyan.
Ayaw ng mga mamamayan na sa buong panahon ng panunungkulan ng isang korap at mandarambong ay maghihirap sila na kabaliktaran ng dapat nilang kalagayan.
MAY PANAHON PA
ANG recall election ay bawal isang taon bago ang susunod na halalan.
Sa Mayo 2016 pa magkakaroon ng bagong halalan at tinatawag itong presidential election dahil idaraos ang pagpili sa isang Pangulo at Pangalawang Pangulo ng bansa, kasama ang iba pang mga opisyal na pambansa at lokal.
Mula sa mga araw na ito, maliwanag na may panahon pa para sa pagdaraos ng recall election. Isa sa mga may recall petition ang mga mamamayan sa Bulacan at Puerto Princesa City, Palawan.
Umaksyon na ba ang Comelec para kumpirmahin sa DBM ang availability ng pondo gaya ng ginawa ng mga taga-Palawan? At kung ginawa na ito, kumikilos na ba ito para idaos ang mga nakabinbin na nasabing halalan?
Kung wala itong ginagawa, ano ang dahilan at naririyan pa sa Comelec itong si Brillantes at sinomang Comelec commissioner na kasing inutil ng kanilang chairman? ‘Lis diyan!
MAS INTERESADO SA PCOS
KUNG maingay man ang Comelec ngayon, itong pagbili ng bagong Precinct Count Optical Scan o PCOS ang labis na pinagkakaabalahan nina Mang Sixto.
Anak ng tokwa, para saan ang PCOS na ito? Para lang pagkakitaan ng mga hayop na gustong magkapera?
Nasa P18 bilyon, mga Bro, ang hinihiling ng Comelec para pambili ng bagong PCOS.
Eh, alam na ng lahat na namamaniobra ang laman ng mga PCOS gaya ng pinagbubulgar ng mismong dating Comelec commissioner na si Gus Lagman at ni mediaman Jarius Bondoc.
Kung papalya ang PCOS bilang gamit sa pandaraya, ang Comelec mismo ang nagpapaimprenta ng ekstrang milyon-milyong balota para sa pandaraya, gaya ng ibinulgar ni Tingting Cojuangco.
BALIK-MANO-MANO
MAY mga bansa nang bumalik at bumabalik sa mano-mano.
Sa Amerika, ang mga estado ng California at Ohio, halimbawa, ay ayaw na sa istayl PCOS na halalan.
Ang dahilan: ang dami nang napakagagaling na “hacker” na kayang magmaniobra sa resulta ng halalan.
Bukod pa ang malfunction o pagpalya ng mga kompyuter gaya ng pagkakaroon ng 18,000 na boto samantalang may 400 lang naman ang botante.
Ngayon, ipinipilit ni Brillantes ang pagbili ng bagong PCOS. Sino-sino sa mga mambabatas at taga-Palasyo ang mag-aapruba para rito? Dapat na mabantayan ang mga ito.
Napakalaking halaga ‘yan at kaduda-duda ang pagpipilit ng Comelec na bumili tayo sa gitna ng pagsasabi naman ni Gus Lagman na kayang gawin ang malinis na halalan sa pamamagitan ng mga ordinaryong kompyuter, lalo na sa canvassing.
Gawing mano-mano ang halalan sa barangay at saka na lang gamitin ang kompyuter sa pagkwenta ng mga resulta at dito milyones lang ang magagastos ng pamahalaan.
BRILLANTES ET AL BANTAYAN
O, mga Bro, bantayan ‘yang sina Brillantes at mga kakosa nito na atat na atat na magkaroon ng PCOS machines na gagamitin sa pagboto sa presinto hanggang sa canvassing sa Comelec at Kongreso.
Inuulit din natin, may pondo para sa recall election at dapat magsagawa ito ng nasabing halalan.
Kung hindi kikilos ang Comelec para magsagawa ng mga recall election, ano sa palagay ninyo ang nagaganap?
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.
The post MAY PONDO SA RECALL AT BALIK-MANO-MANO appeared first on Remate.