TAMA ang panawagan ng marami na wakasan na ang paghahari ng mga maiimpluwensyang pamilya sa pamahalaan o ‘yung tinatawag na “political dynasties” sapagkat ito ang nagpapanatili sa pagiging paurong ng ating bansa.
Gayunman may palagay ako na hindi sapat na isabatas lang ang mga hakbang laban sa political dynasties. Kailangang sabayan ito ng mga masususing pag-aaral sa mga barangay para maging malinaw sa taumbayan kung bakit nakasasama ang ganitong kalagayan. Dapat mahimay ng bayan kung paanong umusbong at ano ang lohika sa likod ng pag-kilos ng mga dynasty na ito.
Ayon sa mga eksperto, ang political dynasties ay isang pyudal na balangkas na naging uso noong unang panahon sa Europa.
Naglaho ito matapos lumaganap ang panahon ng malayang kamulatan o age of enlightenment. Ang pagkawala ng political dynasties ang nagbigay-raan upang umunlad at maging makabago ang mga bansa sa kanluran gaya ng Amerika.
Batay sa karanasan ng mga bansang ito, ang pagkontrol ng mga maimpluwensyang pamilya sa poder ay isang balakid sa tunay na pag-unlad.
Nagiging ugat din ng pang-aabuso at pagmamalabis ng mga namumuno.
Paanong magkakaroon ng tunay na serbisyong bayan o katarungang panlipunan kung ang nakaupo sa poder ay mga magkaka-mag-anak? Sa ganitong kaayusan, imbes na magkaroon ng serbisyong bayan ay serbisyong pampamilya ang nangingibabaw. Tanging interes ng pamilyang dominante ang mau-una bago interes ng bayan.
Iyan ang dahilan kung bakit napakasama at nakapipigil sa pag-unlad ang ganitong siste.
Pansinin na batay sa ating karanasan, ang mga lungsod, rehiyon, lalawigan o bayan na pinaghaharian ng iilang pamilya lang ang may pinakamataas na insidente ng pagpatay at massacre ng kalabang pamilya, pagtatakip o whitewash sa mga anomalya, nakawan sa pondong bayan at iba pang kahalintulad na pang-aabuso sa kapangyarihan.
Ayon sa Center for People Empowerment in Governance, isang non-government organization, mayroong 178 political dynasties sa Pilipinas at hindi pa kasama rito ang maliliit na dynasties sa mga ba-rangay o maliliit na komunidad. May 94% sa kabuuang 80 lalawigan sa ating bayan ang pinagpapa-sasaan ng mga dynasty.
Kaya sa darating na halalan, kung maaari lamang ay huwag na-ting iboto ang mga magkakamag-anak sa poder. Kung ibig natin na tunay na maging makabago at mayaman ang ating bansa ay da-pat nating gibain ang pyudal na sistemang ito sa pamamagitan ng pagbasura sa kanila sa darating na eleksyon.
* * *
Hindi lang sa pulitika dapat alisin ang pyudal na kaisipan, maging sa ating mga simbahan at linyadong grupong pulitikal din.
Simula’t sapol, karamihan sa mga relihiyong naglaganap ngayon at mga grupong nagsusulong ng tinatawag na Pambansang Demokrasya ay pinatatakbo na parang isang kaharian. Pyudal na pyudal ang mga balangkas nito kaya nakatatawa kung sila ay nananawagan na tapusin ang pyudalismo ng political dynasties gayong ang kanilang organisasyon ay pyudal ang kaayusan.
Bagay sa kanila ang kantang ito…“banal na aso, santong kabayo…natatawa ako hi-hi-hi-hi”.