MATINDING problema ang idinulot sa mga imbestigador ng NBI na nagsuri sa naganap na Atimonan massacre dahil ginulo umano ng SOCO (Scene Of the Crime Operatives) ang mga ebidensya.
Gaya na lamang ng mga baril na inilipat ng mga lugar na kinalalagyan o posisyon. Kung nakatitiyak ang NBI na ginalaw nga o sinabotahe ang “crime scene,” aba, eh, hindi ito maliit na bagay.
Ibig sabihin, parekoy, sa simula pa lang ay may sabwatan na roon sa naganap na pagpatay sa 13 katao. At kung nasikmura ng ilang gagong SOCO na isabotahe ang pagkamatay ng 13 katao, gaano pa kaya ang mga ordinaryong krimen?
Kung ang “high profile” na kaso na mismong ang Pangulo ang nag-utos na imbestigahan ay nakaya ng kanilang dibdib na isabotahe, nagpapatunay lang ito na may matataas na opisyal sa PNP na involved! At ito ang anggulo na dapat suriing mabuti ng NBI para kung mapatunayan ay nararapat lang na masampahan din ng kaso, maging ang demonyong SOCO members na nakipagsabwatan sa mga salarin!
-o0o-
PINAGDIRIINAN ni Comelec Chair Sixto Brillantes na hindi na maaari ang manual elections ngayong naranasan na natin ang computerized. Kahit sino naman ang tatanungin ay ayaw na sa mano-manong halalan dahil maliban nga sa talamak ang dayaan ay napakabagal pa nito. ‘Yan, parekoy, ay kung matitiyak ng Comelec na talagang hindi maaaring madaya ang computerized na election.
Dahil kung may posibilidad na kaya itong dayain sa pamamagitan ng magagaling na hacker o computer experts ay tiyak na bultuhan o malawakan ang dayaang magaganap!
Sa usaping dayaan sa computerized elections ay hindi maaaring ihalimbawa ang halalan noong 2010. Dahil araw-araw ay tumataas ang antas ng teknolohiya. At sa ipinakitang husay ng Pinoy hackers ngayon, na maging ang database ng Pentagon ay napasok nila, ay mahirap nang magtiwala ngayon sa computerized election.
Kaya nga, para mapatunayang imposible itong ma-hack ay may panukala ang isang senador na magsagawa uli ng mock elections ang Comelec.
Ngunit bago ito ay maglathala muna na magbibigay sila ng milyones na “reward” sa sinomang maka-hack sa kanilang operasyon!
Tandaan mo, Chairman Brillantes, ang mga mandarayang politiko ay nakahandang magbayad sa hackers ng malalaking halaga para manalo lamang.