MARAMI ang hindi naniwala sa palusot ni Mayor Fred Lim na hindi siya ang utak sa pagbuwag ng mga pulis-Maynila sa pagtitipon ng ilang konsehal noong isang araw.
Masyadong mababaw, parekoy, ang palusot na ang nasabing pagtitipon ay walang kaukulang permiso.
Sa aking pagsisiyasat, sina Kons. Ric Ibay, Cristy Isip, Erick Valbuena, Che Yupangco at Che Borromeo ay nakipag-meeting sa kanilang pamayanan para sa tinatawag na konsultasyon.
Pero biglang binuwag ng mga pulis ni Mayor Lim ang pagtitipon dahil wala umano itong kaukulang permiso. Bakit, nasa batas ba, Mayor Lim, na bago makapagsagawa ng pakikipag-dayalogo sa taumbayan ang mga “lawmaker” ay kailangan muna nilang kumuha ng “mayor’s permit?”
Hindi ba ang nasa batas ay kailangang makipag-usap o dayalogo ang mga opisyal ng bayan upang konsultahin ang taumbayan para malaman ang kanilang kalagayan, suliranin at pangangailangan?
Ipagpalagay nang may anyo ng pulitika ang nasabing pagtitipon, pero alam mo, Mayor Lim, na ginagawa mo rin ito! ‘Yan bang paghahatid mo ng “wheel chairs” sa bahay-bahay, wala bang pulitika?
Pwede namang ipadala na lang ‘yan, ah! Bakit kailangang ikaw talaga ang maghatid? Dahil sa pulitika, meyor! Na kunyari ay nakikipag-ugnayan ka lang sa taumbayan.
Isa pa, parekoy, ilang maiingay na rally na ba ng mga aktibista ang ginanap sa Maynila na binigyang konsiderasyon kahit walang permit?
Aminin mo na kasi, Mayor Lim at niyang mga tuta mo, este, mga pulis na sipsip sa iyo, na ang tunay na dahilan ng nasabing pagbuwag ay dahil nakikita ninyong dinudumog ng taumbayan ang mga pagtitipon na isinasagawa ng iyong mga kalaban sa election!
Baka ramdam mo na ang magiging resulta ng election sa pagka-Mayor na ilalampaso ka ni Erap sa pagka-alkalde riyan sa Maynila!
At kung sa akala ninyo ay makatutulong sa iyong kandidatura ang ganitong gawain ng panggigipit sa mga kalaban ay nagkamali ka, Mayor.
Dahil lalo kang kinaiinisan ng mga taga-Maynila na nag-aarimuhanan ng kaunting biyaya mula sa mga pagpapatipon ng ilang kandidato!
Du’n nga pala sa mga Konsehal, bakit hindi ninyo kasuhan sina Col. Ferdinand Quirante ng pagsagka sa inyong sinumpaang “legislative function” habang kayo ay nakikipag “consultation” sa taumbayan?
