GAANO ba katagal, parekoy, ang paglilitis sa mga kinakasuhan ng plunder at graft ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales?
Hindi kaya patay na si Doña Conchita sa katandaan, dahil 73 na siya ngayon, bago magkaroon ng resulta ang mga kasong isinampa niya sa Sandiganbayan laban kina Sens. Manong Johnny Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada? Hak, hak, hak!
Pero bago natin ipagpatuloy ang talakayang ito, napansin ba ninyo na sa mga araw na nagsampa ang doña ng kaso, eh, malapit na pala siyang mag-birthday noong Hunyo 19?
Hunyo 9, 2014 nang kasuhan niya ang tatlong itlog sa Senado na pinupulutan ngayon ng kanilang mismong mga kasamahan na tsuwariwap ni PNoy.
Sumurender naman sa Sandiganbayan si Bong noong June 20 at sa Camp Crame si Jinggoy nitong June 23 na bisperas ng piyesta ng kanyang mahal na lungsod, San Juan City.
Ano ‘yan, birthday gifts ni doña sa kanyang sarili? Hak, hak, hak! Hindi naman siguro dahil kilala naman nating istrikta at propesyonal si Doña…ang batas ay batas para sa kanya. Hak, hak, hak!
May probable cause, ‘ika nga niya, habang nasa Amerika siya na nagtuturo kung paano kasuhan at ikarsel ang mga hindi yumayapak sa Tuwid na Daan na nagluklok sa kanya sa puwesto. Hak, hak, hak!
Balik tayo, parekoy, sa tapik natin.
Ikukwento na lang natin ang isang kaso na kahit ginawan ng special division ng Sandiganbayan ay umubos pa rin ng anim na taon at anim na buwan. “Yung kasong plunder ni Erapsky.”
Heto ang maikling kwento.
Kinasuhan si Erap ng Ombudsman noong Abril 4, 2001 at makaraan ang ilang araw, inaresto siya sa kanyang bahay sa San Juan.
Nagsimula ang paglilitis noong Oktubre 1, 2001 at natapos ang kaso noong Setyembre 12, 2007 o anim na taon at kalahati.
Pinatawad siya ng nagpakulong sa kanya na si Aling Gloria noong Oktubre 6, 2007 at noong Oktubre 2008, nagsisi si Madam Cory Aquino sa pagsama niya sa pag-aalsa laban kay Erap.
Noong Disyembre 22, 2008, humingi ng tawad o nag-sorry si Cory kay Erap. Ngayon, eh, may kasong plunder na ang tatlong itlog at tinadtad pa sila ng maraming kasong graft.
Hindi kaya aabutin ng 10-10 ang kaso at patay na si Madam Conchita, eh, wala pang natatapos na kaso?
Kawawa ang mga inosente riyan!
The post DOÑA CONCHITA, DEDO NA BAGO MAGKARESULTA ANG KASO appeared first on Remate.
