HALOS P4 milyon kada buwan ang nawawala sa Lungsod ng Olongapo dahil sa kaduda-dudang kasunduan ni Mayor James “Bong” Gordon, Jr. at SM Prime Holdings ng Pamilya Sy na nagtayo ng SM Olongapo.
Ibig sabihin, nasa may P50M na ang lugi ng mamamayang Olongapo at habang tumatakbo ang panahon at hindi naiaayos ang katiwalian, palaki pa nang palaki ang nawawala na para sana sa kaban ng bayan.
P40/sqm. lang kada buwan ang upa ng SM sa 7079 sqm. na kinatitirikan ngayon ng pitong palapag na SM Olongapo sa lugar ng dating Olongapo City Mall sa Bgy. Pag-Asa, sa may labas lang ng Main Gate ng Subic Bay Freeport.
Bale P283,163 kada buwan lang kasama na ang kung ano-anong tax kaya mas maliit pa ang talagang pumapasok sa kaban ng bayan.
Ito Ang Totoo: ayon sa rekomendasyon ng Appraisal Committee ng Commission on Audit (COA), dapat P520/sqm./month ang singil ng lungsod o bale halos P3.7M kada buwan.
Ang nakapagtataka, ano ang ginagawa ng COA ngayon matapos lapastanganin ni Mayor Bong Gordon ang rekomendasyon nito at siyempre, kasama na ang kapakanan ng mamamayan ng Olongapo?
Malinaw kaya sa Pamilya Sy ng SM na kahit very advantageous sa SM at malamang kay Mayor Bong Gordon, ay “grossly disadvantageous” naman sa mamamayan ng Olongapo ang pinasok nilang kontrata?
Eto pa: tahimik din ang Olongapo COA sa pagpapalabas ng administrasyon ni Mayor Bong Gordon na “renovation” lang ang ginawa sa dating tatlong palapag na Olongapo City Mall gayong “demolition” ang totoo at itinayo nga sa lugar nito ang pitong palapag na SM Olongapo.
Hindi ba kaya nilabo ang totoong status ng Olongapo City Mall ay dahil sa pag-iwas sa kaukulang “fees” at siyempre, para maibulsa ang pinagbentahan ng daan-daan libong toneladang bakal, salamin at kung ano-ano pang “scrap materials”, ha, JLo, este Mayor Bong?
Ito Ang Totoo: umaalingasaw ang transaksyon sa pagtayo ng SM City Olongapo at kung kinukunsinti ito ng pamilya Sy at COA Olongapo, tingnan natin ang gagawin ni COA Commissioner Heidi Mendoza, kung meron.

