PALAKPAKAN naman natin ang QC Council sa pagpasa ng “Half Cup Rice Ordinance”.
Para sa akin ay timely at necessary na pogi points ito para kay Mayor Bistek Bautista, Vice Mayor Joy Belmonte at sa kabuuan ng Konseho ng lungsod.
Dahil sa ordinansa ay pwede nang mag-order ng “half cup rice” lang sa halip na one full order at hindi na pwedeng tumanggi ang mga kainan sa lungsod kung mag o-order ng “half cup rice” lang ang kanilang mga customer.
Timely ang ordinansa dahil matindi ang usapin ngayon ng kakulangan at kamahalan ng bigas at necessary dahil ayon daw sa International Rice Research Institute (IRRI), kung saan ibinase rin ang ordinansa, ay P23 milyong piso na halaga ng bigas araw-araw ang nasasayang ng mga Pinoy.
Napakahalagang kontribusyon ang “Half Cup Rice Ordinance” para sa panawagan na huwag maaaksaya ng kanin o bigas.
Noon kasi ay hindi pwedeng mag-order ng half cup of rice sa mga restaurant kaya kung hindi maubos ang inorder na kanin ay natatapon at nasasayang lang. Ngayon ay nagbago na dahil sa ordinansa.
Congratulations sa QC Council.
At dahil nandito na rin tayo sa usapin ng pag-iwas sa pag-aaksaya, sana ay gawin na rin na ordinansa na ang tubig inumin naman ay dapat ihahain lang kung hinihingi ng mga kumakain.
At dapat magtanong ang mga server kung ilang basong tubig ang kayang ubusin para iyon lang ang ihahain.
Nakikita natin na nasasayang ang mga tubig na hindi naiinom.
Nakikita natin na minsan talaga ay maraming baso ng tubig ang naiiwan sa lamesa kapag umalis na ang mga kumakain sa mga restaurant.
Minsan hindi talaga nagagalaw at puno pa ang mga baso na iniiwan na lang.
At alam natin na isyu rin ang tubig dahil sa banta ng kakulangan ng supply.
Kung magkakaroon din ng ordinansa na magkokontrol sa pagkasayang ng tubig ay mas lalong maganda.
Nagpapasalamat tayo sa aksyon ng QC Council ukol dito, kasunod na marahil na tututukan nila ang isyu sa tubig na inumin.
The post KANIN, AT TUBIG NA RIN appeared first on Remate.