DAPAT na maging mas alerto at mapagbantay sa ngayon ang mga kababayan natin na madalas gumamit ng mga automated teller machine (ATM) at maging ng mga credit card, sa kanilang pang-araw- araw na transaksyon.
Isang hinihinalang foreign-based counterfeit card syndicate na may mga Pinoy na kontak ang kumikilos sa bansa ngayon.
Base sa mga ulat, isang sindikato ang naglalagay ng gadget sa ibabaw mismo ng ATM machine na may kakayanang kunin ang kombinasyon ng personal identification number (PIN) ng isang depositor.
Pagkatapos makuha ang pin ng isang depositor ay mabilis na gumagawa ang sindikato ng duplicate ATM at presto lilimasin na nila ang laman ng iyong account.
At dahil hindi rito sa Pinas nakabase ang sindikato ay sa ibang bansa nila ginagawa ang withdrawal ng pera ng kanilang mga biktima.
Bagamat mismong mula sa banking community nanggaling ang impormasyong ito, lumalabas na matagal na pala ang raket na ito at milyon-milyon na ang nakulimbat ng sindikato mula sa hindi na mabilang na mga biktima.
Mukhang dapat pang palalimin ng mga concerned authority ang imbestigasyon sa natuklasang raket na ito.
Kailangang malaman ng mga imbestigador kung sino ang mga kontak ng sindikatong ito sa mismong mga bangko kung saan naganap ang card skimming at nakuha ang PIN ng mga depositor.
Hindi naman makakikilos ang mga sindikato kung walang mga local counterpart at malamang na mga taga-bangko rin ang mga contact nila dahil nailalagay ang gadget sa mismong ATM machine.
Dapat ding maimbestigahan ang mga executive o may-ari ng nabiktimang mga bangko dahil hindi nila agad ipinaalam sa publiko ang ganitong uri ng operasyon na naging dahilan para mas marami pa ang mabiktima.
Kung naging maagap lang sana sila sa pag-uulat ay malamang na nakagawa na ng hakbang ang mga tamang awtoridad gaya ng National Bureau of Investigation (NBI) at hindi na lumaki pa ang bilang ng mga biktima.
Siguro naman ay hindi naman nila puwedeng ipagsangkalan ang madalas nilang depensa na bank secrecy at confidentiality.
Kaya nga para sa akin, dapat may managot sa pangyayaring ito at unahin sanang imbestigahan ang mga bank executive ng mga nabiktimang bangko dahil sa kanilang kapabayaan o maaring pakikipagsabwatan sa sindikato.