MALINIS na pangalan, hindi pera, ang mahalaga para sa nagbitiw sa tungkulin na city administrator ng Maynila na si Atty. Simeon Garcia na sinira ng mga taong nakapaligid kay Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.
Si Garcia, chief of staff ni Sen. Jinggoy Estrada sa loob ng siyam na taon, ay naging biktima tulad ni Mayor Erap ng maling akusasyon at pilit sinira ng mga taong malaki ang inggit sa kanya.
Kasama ang Partido ng Masang Pilipino, Kasangga ni Erap sa Maynila, Kapatiran nina Erap at Isko, Aksyon Manila at Kaibigan ni Erap sa Maynila, si dating Manila City Administrator Garcia ang totoong nagpakahirap upang maipanalo ng bagong alkalde ng Maynila ang kanyang laban noong 2012 elections.
Nagtulong-tulong para siraan kay Mayor Estrada ang mga taong gigil sa dating congressman ng Nueva Ecija sapagkat ang huli ang hadlang sa paggawa nila ng pagkakaperahan sa lungsod.
Gamit na paninira kay Garcia ang pamamahala nito sa Divisoria at Quiapo kung saan itinalaga ito ng alkalde upang mawala ang kotongan na inirereklamo ng vendors.
Nawala ang kotongan nang si Garcia ang namamahala dahil ipinaubaya nito sa Treasurer’s Office ang koleksyon, bukod pa sa nagtala ito ng 79-porsyentong taas sa koleksyon ng Hawkers.
Noon, naaktuhang nangongotong ang ilang tauhan ng Department of Public Safety (DPS) ni Che Borromeo, bukod pa sa lumutang ang pangalan ni Konsehal Dennis Alcoreza na isa sa mga nag-uutos na mangolekta.
Siniraan si Garcia ng mga nakapaligid sa alkalde dahil nagiging mabusisi ito sa mga transaksyon at kontrata na inihahain ng ilang may personal interes sa pamamalakad sa Maynila.
Pinoproteksyunan ni Garcia ang kanyang boss na si Erap pero mas pinaboran ng alkalde ang mga gumigiba dahil mas matagal na niyang nakasama at matagal nang bumubulong ang lahat ng ito sa kanyang tainga.
Ngayon, galak na galak sa tuwa ang mga bumundol kay Garcia sapagkat mawawala na ang balakid sa kanilang mga kawalanghiyaan at paglulubid ng kasinungalingan sa ngalan ng salapi.
Huwag sanang dumating ang panahon na maipit muli si Mayor Estrada sa kagagawan ng kanyang Secretary to the Mayor na si Atty. Edward Serapio tulad ng ginawa nito sa Erap Muslim Youth Foundation.
Baka magulat ang alkalde na magsusulputan sa kanyang tanggapan ang mga negosyanteng kinausap ng kanyang nasabing opisyal upang magreklamo sa sobrang taas ng hinihingi sa kanilang kabayaran sa ilang gusali na nakatayo sa nasasakupan ng Maynila.
Kay Atty. Jojo Alcovendaz na pumalit kay Garcia, nawa’y huwag ka ring mabiktima ng malaking kasinungalingan ng mga nakapaligid kay Mayor Erap.
Kaya lang, baka ang mangyari naman ay puro oo ang isasagot mo sa kagustuhan ng mga nakapaligid sa inyo. PAKUROT/Lea Botones