MATAPOS ang mahabang panahon ng paghahanda, matagumpay na nairaos sa Pilipinas noong ika-16 hanggang 18 ng Hulyo, 2014 ang Asian Defense Security and Crisis Management Exhibition and Conference 2014 (ADAS 2014) na dinaluhan ng mga bansang delegado.
Sa pagtitipon-tipong ito, nagkaroon ng exhibit sa iba’t ibang kompanyang nagsusuplay ng mga kagamitang makatutulong sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP). Nagkaroon din ng exhibit booths ang Hukbong Dagat ng Pilipinas, Hukbong Katihan ng Pilipinas at ang Hukbong Himpapawid ng Pilipinas maliban sa iba pang Exhibitors. Itinampok sa booths na iyon ang iba’t ibang kagamitang pang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) at iba pang pang-defense and security.
Nakatutuwang dinagsa ang mga booth ng tatlong major services— lalo na ang sa Navy.
Kabilang sa mga kagamitang ipinamalas nito ay models ng mga barko at eroplanong nasa imbentaryo na at paparating pa lamang sa hukbong dagat gaya ng dalawang Del Pilar Class Frigates, Augusta 109 Helicopters, Strategic Sealift Vessels, at Multi-purpose Attack Craft. Ipinakita rin sa booth ng Navy ang mga kagamitang for special operations para sa sailors, marines at aviators. Napatunayan na ang kahalagahan at kakayahan ng mga ito sa panahon ng kalamidad at sakuna maging ito man ay natural or human-induced.
Tampok sa nasabing ADAS 2014 ang mga symposia na itinaguyod ng tatlong major branches of service na dinaluhan ng mga delegado at counterpart buhat sa sector ng sibilyan, akademya at seguridad sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Sa Philippine Navy, halimbawa, na tayo ang Moderator at Master of Ceremony, kasama si Ms. Aya Macalma na newscaster at defense correspondent naman mula sa PTV-4, ang tema ay “Strengthening Maritime Cooperation Through Multilateral HADR Operations.” Tampok sa okasyon ay mga turo at pagbabahaginan ng kung anong kagamitan meron at paano pinakikinabangan ang mga ito, kakayahan, karanasan, at magagandang gawi o best practices mayroon sa ating hukbong dagat sa larangan ng HADR.
Unang nagsalita si Commodore Jorge Amba na Commander ng Fleet-Marine Ready Force at ang kanyang topic ay hinggil sa mga kagamitan meron ang Navy at paano ang mga ito nagamit sa malalaking kalamidad na dinanas ang Pilipinas. Kabilang sa itinampok ay ang naging napakalaking partisipasyon ng hukbong dagat, gamit ang kanyang mga barko sa ilang sea tragedy sa kasaysayan.
Kabilang dito ang mabilis at agarang pagdalo na sanhi ng pagkaligtas ng daan-daang pasahero ng lumubog na Super Ferry 9. Ipinakita rin ang pagtulong ng Navy sa paglubog ng Princess of the Stars at sa naganap na banggaan at paglubog ng barkong St. Thomas de Aquinas sa Mactan, Cebu.
Ibinahagi naman ni Rear Admiral Jaime Bernardino na Commander ng Philippine Fleet ang karanasan ng Navy sa multinational HADR Operations. Partikular niyang binigyang diin—at pinasalamatan na rin— ang pagtutulungan ng maraming bansa sa daigdig sa panahon ng kalamidad gaya ng “Sendong”, “Pablo”, at “Yolanda”.
Hatid ng mayamang karanasan na ‘yun at ang potensyal ng lokal at pandaigdigang kooperasyon sa panahon ng sakuna at kalamidad na palagiang dinaranas ng Pilipinas at mga kapit-bansa sa Asya, minabuti ng Hukbong Dagat ng Pilipinas na pangunahan ang pagbalangkas ng tinatawag na Common Protocol for ASEAN Navy HADR operations. Inilahad ni Captain Teddy Quinzon na director ng Office of Naval Strategic Studies ang mungkahing-balangkas ng Philippine Navy.
Ito ang draft o paunang sipi ng Protocol na ipepresenta at isusumite upang aprobahan sa darating na 8th ASEAN Navy Chief’s Meeting sa ika-28 Agosto 2014 sa Bangkok. Ang Thai Navy ang host matapos naman ang matagumpay na pagho-host ng Philippine Navy noong isang taon.
Gamit naman ang kanilang kasanayan at kaalaman bilang mga pinuno: Si Director Thelsa Biolena ng Department of Social Welfare and Development at Retired Brigadier General Romeo Fajardo ng Office of Civil Defense, ibinahagi nila ang kanilang mga reaksyon sa ginawang pagtuturo ng tatlong speaker mula sa Navy.
Anong pakialam natin dito bilang mga mamayang Filipino? Malaki. Sapagkat, una sa lahat, natipon natin sa iisang pulong ang mga kapit-bansa at mga katumbas ng pinuno ng Navies na miyembro ng ASEAN. Nagkaroon tayo ng pagkakataon kung saan naitaguyod natin ang kahalagahan ng pagtutulungan, pagpapalitan ng impormasyon, karunungan, at karanasan. At ang pagbabahaginan ng mga magagandang gawi o best practice na ang bisa ay napatunayan sa mga nagdaang malawakang kalamidad, kaguluhan, ay pagkasira ng buhay at ari-arian.
Binigyang-pansin ni Vice Admiral Jesus Millan, hepe at Flag Officer in Command ng Philippine Navy, ang kahalagahan ng pagdalo ng mga delegado sa naganap na symposium.
Dito, ayon sa Admiral, ipinamalas ng mga kawal Filipino—hindi lamang ng Navy—ang kanilang kahandaan, kakayahan, kasanayan, at malasakit upang makapagsalba ng buhay at kabuhayan sa kabila ng kakulangan ng modernong kagamitan.
Ang kahalagahan ng pagpapalitan ng dunong at karanasan upang pagyamanin ang kaalaman ng mga bansang naging bahagi HADR Operations. Higit na mahalaga, aniya, ang pagpapalitan ng impormasyon upang magkaroon ng tinatawag na “common picture” o iisang pagtingin sa kinakaharap na krisis na s’ya namang magiging basehan ng karampatang pagtugon at tulong.
Mahalaga ang mga ganitong pagpupulong at talakayan kung saan ang ating kakulangan sa modernong kagamitan ay mapupunan ng kung anong mayroon ang ibang bansa. Isang pagpupulong upang ang dagat at himpapawid na namamagitan sa mga bansa ay lumiit at maging abot-kamay ang tulong sa sandaling ito ay kailangang-kailangan. PUNTONG MARINO/Atty. Edgard Arevalo
