MARAMING natanggap na reaction ang Lily’s Files tungkol sa lumabas na isyu na “MPD, WORST POLICE DISTRICT ” noong nakalipas na Linggo.
Karamihan sa text messages na nakarating sa Lily’s Files ay halos iisa ang sinasabi, sumasang-ayon sila sa ating inilathalang isyu.
Isa sa mga mensahe ang nagsasabing “tumanda na akong pulis dito sa MPD at dito kay Gen. Asuncion lang kami nakaranas ng gutom, okey lang sana kung talagang wala, kaya naman naming magtiis, pero nalaman namin na binibigyan pala siya ng pera linggo-linggo buhat sa mga iligal na pasugalan, aba eh, napakaswapang naman niya.
Marami ring antigong pulis-Maynila ang dismayado sa kanilang district director na si Gen. Rolando Asuncion, dahil mahigpit ito na wala sa lugar at mahilig manghiya ng mga pulis lalo na kapag gusto na niya itong sipain sa puwesto.
Ilang pulis-Maynila rin na ating nakausap ang nagsabing kaya ganyan kung makaasta itong si Gen. Asuncion ay dahil sa malakas ito sa Palasyo at kaya nitong banggain si Manila Mayor Joseph Estrada.
Sa katunayan nga umano, hindi nito sinusunod ang ilang kautusan ng alkalde sa lungsod ng Maynila.
MGA KAGAMITANG BIGAY NG IBANG BANSA, GAMITIN NANG MAAYOS
KAMAKAILAN lang ay bumisita sa ating bansa ang Secretary General ng Asia-Pacific Information and Coordination Center for Combating Drug Crimes at Director ng Narcotics Division of the Supreme Prosecutor’s Office ng Republic of Korea.
Layunin ng pagbisita na para palakasin ang kampanya laban sa mga iligal na droga sa iba’t ibang rehiyon bilang bahagi sa ginawang “2014 Anti-Drug Capability Build-Up Support Program ng bansa.
Nagsagawa ng 2 araw na Intelligence and Investigation Training/Workshop sa 30 drug enforcement agency ng PDEA Regional Offices sa isang hotel sa Iloilo City.
Maganda ang layunin ng pagbisitang ito ni Mr. Kim Hoo Kyoon, na nag-donate pa ng ilang pirasong kagamitan at sasakyan para magamit sa pagsugpo ng droga sa Bicol at Visayas Region.
Sana lang ay magamit nang tama at maganda ng ating mga PDEA enforcer ang mga kagamitang ibinigay ng ibang bansa sa atin at sana lang din, ‘wag ariin ng iisang tao lang ang sasakyang ibinigay.
Alam naman natin na ang mga sasakyang gobyerno na ibinibigay sa isang ahensya ay ginagawang personal na gamit ng mga matataas na opisyal.
At sana lang din, ingatan ng ating drug enforcers ang mga kagamitang ipinagkaloob sa atin ng ibang bansa, para hindi sila madala at patuloy nilang suportahan ang mga programa ng PDEA. LILY’S FILES/Lilly Reyes
