PURING-PURI ang lalawigan ng Albay kung ang pag-uusapan ay disaster preparedness.
Sa pananalasa ni ‘Glenda’ noong nakaraang linggo, ang Albay ang sentro ng bagyo, pero walang naitalang namatay.
Malinaw na gumana ang disaster preparedness ng lalawigan dahil kumpara sa ilang probinsya, naiwasan nito ang pagbubuwis ng buhay.
Sa mga karatig lalawigan, tulad ng Camarines Sur at Norte, gayon din ang Cavite, Laguna at Rizal, namaraming buhay ang nasayang.
Kung bakit zero casualty sa lalawigan ni Gov. Joey Salceda, ito’y dahil sa kanila, ang paghahanda sa pagdating ng sakuna ay mahalaga.
Ang Albay ay isang lugar sa bansa na palaging dinaraanan ng malalakas na bagyo, bukod pa sa rito nakikita ang Bulkang Mayon.
Kapag napag-uusapan kasi ang bulkang Mayon at tuwi-tuwinang bagyo, nakadikit dito ang pangambang may mangyayaring sakuna.
Ang kasaysayan ng Albay ay bukas na libro tungkol sa kanilang naging karasanan sa mga nagdaang bagyo at pag-aalburuto ng Mayon.
Marami ang nagbuwis ng buhay sa mga nagdaang bagyo at pagsabog ng Mayon.
Ito, marahil ang naging dahilan kaya naging mahalaga sa mga Albayenyo ang paghahanda kapag may bagyo at pag-aalburuto ng Mayon.
Marami ang naging gobernador ng lalawigan, subalit kay Gov. nakita ang pagpupursige para sa makatotohanang disaster plan.
Kumbaga, si Gov. Salceda ang arkitekto ng matagumpay ngayong pagharap at paglaban sa mapaminsalang sakuna tuwing may bagyo at kapag nagagalit ang Mayon.
Kung sa Albay ay kayang-kaya nilang paghandaan ang sakuna, siguradong kayang-kaya rin ng ilang lalawigan at LGUs.
Ngayong panahon ng ‘di maipaliwanag na pagbabago ng klima, ang lahat ay dapat maging handa sa pagdating ng trahedya.
Kailangan lamang ay maging makatotohanan sa paghahanda at pagsasakatuparan sa disaster plan para mapaglabanan ang sakunang dulot ng mga dumarating na sakuna.
Kung kaya ng lalawigan ng Albay ang makapagtala ng zero casualty, tiyak na kaya rin natin.
Yan ang hamon. CHOKEPOINT/Bong Padua