SONA o State of the Nation Address na naman ni Pangulong Noynoy sa Monday sa Batasang Pambansa. Sa Tondo, maya’t maya ang sona, mga taong pinaghihinalaang kriminal.
Sa Batasan, marami ring pinaghihinalaang mga kriminal, mga nagnakaw ng billions of pesos, pero hindi sila ikinukulong dahil presumed innocent sila until proven guilty.
Sa Tondo at lahat ng squatters area, ang mga biktima ng sona ay presumed guilty until proven innocent.
Si Butch Abad, innocent until proven guilty, ayon kay Pangulo. Ganundin ang mga malalapit kay Noynoy, innocent silang lahat.
Malas ka na lang kung hindi ka kaalyado ni Noynoy. Crame ang bagsak mo o Taguig.
Pero suwerte pa rin ang mga suspect, katulad nina Juan Ponce-Enrile, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, Gigi Reyes at Janet Napoles. Wala sila sa city jail. Sa konting daing ng mga akusado, nakaambulansya sila at libreng hospitalization pa.
Sa Tondo, ang mga akusado ay nagsisiksikan sa marumi at mainit na mga selda. Sa mga akusado sa pork barrel scam, may ospital silang pagbakasyunan. At aircon pa.
Sa sona sa Batasan sa Lunes, ano kaya ang ikukwento no Noynoy? Eto ang hula ko.
Kokonti na ang mga kriminal. Mga taga-gobyerno na lang ang mga kriminal.
Wala na kasing manakaw ang mga common criminal, ninakaw na ng mga opisyal ng Senado, Kamara at executive branch. Pati na judiciary.
Kokonti na ang mga nagugutom. Nangamatay na yata ang marami sa kanila.
Lumago na ang ekonomiya, ekonomiya ng mga corrupt at hindi ang ekonomiya ng mga dukha.
Ano naman kaya ang hindi niya sasabihin sa SONA?
Hindi na niya sasabihin muli na convicted si Nora Aunor sa salang pagdodroga.
Kasinungalingan kasi ito.
Hindi na niya tatakutin ang Supreme Court dahil umaasa siya na baka ma declare uli na constitutional ang Disbursement Acceleration Program (DAP) na ayon sa korte suprema ay iligal. DEEP FRIED/Raul Valino


