NOONG Miyerkules ng umaga, ginawa ni Manila Mayor Joseph Estrada ang kanyang kauna-unahang State of the City Address (SOCA) sa Ninoy Aquino Stadium kung saan ipinaabot niya sa kaalaman ng mga mamamayan ang kalagayan ng lungsod sa ilalim ng kanyang pamamahala.
Masigabong palakpakan ang ipinagkaloob ng mga tao nang banggitin ng alkalde na unti-unting bumabangon ang Maynila mula sa pagkakautang noong nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Mayor Estrada na sa loob ng isang taong panunungkulan niya sa Manila City Hall, halos kalahati na ng mga utang ng pamahalaan ng Maynila ang nabayaran.
Kaya nga ipinagmalaki ni Mayor Erap na bago matapos ang 2015 ay bayad na ang lahat ng utang na iniwan ng nagdaang pamahalaan.
Magliliwanag na ang Maynila dahil pagdating ng nabanggit na panahon ay nakabayad na ito ng mahigit sa P300-milyong pagkakautang sa Manila Electric Company.
Bukod sa pagbabayad ng mga utang, ipinagmalaki rin ng dating Pangulo ang mga nagawa at patuloy na ginagawa ng kanyang pamunuan upang magtuloy-tuloy ang pagbangon at pag-unlad ng Maynila.
Nagpapagawa ng mga gusali upang madagdagan ang mga silid-aralan ng mga eskwelahan sa Maynila bukod pa sa mga pagamutan.
Ipinagmamalaki ng alkalde ang ‘orange card’ na ipinamamahagi sa mga mahihirap na residente ng Maynila ang susi nila para sa libreng pagpapagamot sa mga ospital.
Kasama sa libreng pagpapagamot ang ‘dialysis.’
Maganda ang naging hakbang ni Mayor Estrada sapagkat purong Manileño ang makikinabang sa mga benepisyo sa pagamutan at hindi ang mga tagalabas na sobrang manggamit sa mga tauhan ng Manila City Hall na nagkakandaugaga naman sa pagharap sa mga nagpapakilalang tunay na Manileño.
Laking tuwa naman ng mga empleyado ng gobyernong Erap dahil sa ibinalita nitong pagtaas sa kanilang buwanang sahod.
Bukod pa roon ay gagawin ni Mayor Estrada na retroactive ang pagtataas sa sahod.
Ang mga miyembro naman ng Manila Police District ay nagalak sapagkat ang kanilang allowance na P2,500 bawat buwan ay tataasan habang noong nakaraang pamunuan ay nganga silang lahat.
Hindi kataka-takang mahalin lalo ng mga Manileño ang kanilang ama ng lungsod sapagkat unti-unting nagkakaroon ng kabuhayan ang bawat residente nito sapagkat sinisikap ng pamunuang Estrada na palaguin ang ekonomiya ng Maynila.
Aba’y kapag ganito nang ganito o puro pag-unlad ang makikita sa Maynila na itinuturing na “show window” ng Pilipinas, tiyak na kapag tumakbo muling alkalde itong si Mayor Erap ay tiyak na ang panalo nito.
Pustahan pa tayo. PAKUROT/Lea Botones
