NAPAKALAKING bahagi ng Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon ang napiperwisyo, ‘di lamang ng matinding hangin ng Bagyong Glenda, kundi pati ng brownout na dinulot nito. Ganyan talaga … ‘pag malakas ang hangin ng isang bagyo ay asahan na maraming puno at posteng mabubuwal.
Sa lawak ng naapektuhan, naintindihan naman ng tao na hindi lahat ay maseserbisyuhan o mare-repair ng Meralco. Realistic naman ang Filipino. Basta informed tayo, handa naman tayong maghintay ng ating pagkakataon.
Kaya maraming nayamot nang hindi nila makontak ang hotlines ng Meralco. Gusto kasi nilang ma-report ang kanilang problema para maisama na sa pila ng aayusin at para malaman ang sitwasyon o kung may update man. Pero hanggang yamot lang yon dahil alam din natin na imbudo ang nangyari sa hotlines dahil sa overwhelming na rami ng mga caller.
Nabanggit nga ni Joe Zaldarriaga, ang tagapagsalita ng Meralco, na umabot sa higit 1-milyon ang mga tawag na natatanggap nila ngayon, kumpara noon na tatlong libo lang.
Biruin mo, mahigit isang milyon na tawag.
Mula sa social media, malaking porsyento ng mga artikulo ang positibo. Karaniwan ang pagtatanong lamang ukol sa power restoration at pagpapahayag na walang kuryente sa lugar nila.
Ipinakita ng media ang overview ng pinsala dala ng Bagyong Glenda at dahil dito, nakita rin ng mga mamamayan ang binuhos na pagsisikap ng Meralco at iba pang kompanya ng kuryente para sa restorasyon ng mga kuryente.
Sa katunayan, si Zaldarriaga ay laging nasa radio at patuloy na nagbibigay updates kung kailan magkakaroon ng kuryente sa mga piling lugar. Nakikipanayam din at tumatanggap din siya ng mga hinaing ng customers kung saan pa walang kuryente.
Sadyang mahirap ang trabaho ng mga taga-Meralco at ito ay mapanganib. Sa kabila kasi nang malakas na hagupit ng hangin at ulan, walang tigil ang trabaho ng mga lineman para magkabit ng kuryente at magtayo ng mga natumba o nasirang poste sa kalye.
Hindi lang gutom, uhaw, at puyat ang inaabot ng mga ito. Malaki ang sakripisyo at inilalaang pagsisikap ng Meralco para magresponde at maresolbahan kaagad ang mga naidulot na pinsala ng malakas na bagyong Glenda.
Sa mga taong ito, maraming salamat po! ABISO/Paul Edward P. Sison
