NAKATATAKOT isiping mauuwi lang sa wala ang ipinaglalabang katarungan ng mga biktima ng Maguindanao massacre.
Kaugnay ito ng napababalitang suhulan sa pagitan ng mga hijo de putang akusado sa krimen at mga prosecutor mismo hanggang sa umabot ang suhulan sa mga biktima at testigo.
King-ina, maging si Maguindanao Governor Esmael ‘Toto’ Mangudadatu ay nababahala na rin.
Lalo’t alam nito na may mga nanahimik na umanong mga testigo at biktima kapalit ng mga halagang P5-milyon hanggang P50-milyon.
Kung hinihiling ni Mangudadadatu na dapat maimbestigahan ang usaping ito, lalong hinihiling natin ito.
Hindi katanggap-tanggap na sa huli ay basta na lang makawala sa pananagutan ang mga itinuturong utak at nagsagawa ng pamamaslang sa nasa 58 biktima, kasama na ang 33 mediamen.
Kung iisipin nga naman, parekoy, walang iniaalok ang pamahalaan upang maibsan man lang ang paghihirap ng mga biktima at testigo.
Ang tanging maaasahan lang ng mga biktima at testigo ay ang tuloy na pagkakabilanggo ng mga akusado habambuhay…kung mapatunayan sa huli na sila nga ay nagkasala.
Karaniwan namang may mga danyos perhuwisyo at iba pang bayarin ng mga akusado gaya ng exemplary damages para hindi tularan ang mga ito ng iba, pero kailan pa magkakaroon nito? Pagputi ng uwak?
Dahil lumalabas, parekoy, na aabot yata ng 100 taon bago magkaroon ng pinal na desisyon dito mula sa regional trial court hangggang sa Supreme Court.
Ito ang mga malinaw na dahilan kung bakit may mga natutukso na magpabayad na lang at manahimik.
Subalit kung mababalewala ang kaso dahil sa suhulan, nangangahulugan naman ito ng kawalan ng katarungan.
At ang masakit, parekoy, maaaring babalik sa kapangyarihan ang mga akusado, lalo na kung walang maigagawad na desisyong pinal ang mga hukuman.
Dito walang maigagawad na panghabambuhay ng diskwalipikasyon sa posisyon sa gobyerno at kung babalik ang mga ito sa pwesto, ano ang magaganap? Kakatakot! BURDADO/Jun Briones
