DAHIL sa pagiging sobrang abala nating mga Pinoy sa mga iskam at kabulastugan sa ating bayan, lalo na sa pulitika, halos hindi na natin napapansin ang importante rin namang mga kaganapan sa ibang mga bansa.
Katulad na lang halimbawa ng patuloy na labanan sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas sa Gaza Strip kung saan nasa 2,000 na ang nasasawi sa nakalipas na ilang linggo.
Dahil dito, nagbabala na kahapon ang United Nations na nanganganib na ang kalagayan ng tinatayang mahigit isang milyong inosenteng residente sa lugar.
Tulad na nga ng alam na natin, sa lahat ng digmaan ay wala naman talagang totoong nananalo.
Sa huli ay pawang mga biktima lang ang naiiwan at karaniwan mga ordinaryong mamamayan.
Sa mga hindi pa nakaaalam, ang Gaza Strip ay ang lugar na tirahan ng mga Palestino na pinamumugaran ng grupong Hamas na itinuturing naman ng Israel na terorista.
Ang Hamas ay tinutulungan at inaarmasan ng Iran hindi lamang para kontrolin ang Gaza Strip at ang Palestine, kundi para patalsikin din ang Israel, na alam naman nating kakampi ng Estados Unidos.
Bagama’t iba’t iba ang rason ng magkabilang panig kung bakit nagkakaroon ng labanan, lumalabas ang totoo na ang nagaganap ngayon ay isang proxy war sa pagitan ng US at Iran.
At kamakailan nga ay kinumpirma ng Pentagon na ang ibang mga armas pandigma na ginagamit ng Israel, ay nanggaling sa stockpile nila sa ilalim ng kasunduang tinatawag na War Reserves Stock Allies Israel.
Ang stockpiles na tinatayang aabot sa halagang US$1.2 billion ay nasa ilalim ng kontrol ng US European Command, na dapat ay gagamitin lang ng US sakaling mapasabak ito ng giyera sa Middle East, ay kinabibilangan ng smart bombs, missiles, military vehicles at mga military hospital equipment.
Pero dahil sa pagpayag ng US na gamitin ng Israel ang mga armas nila ay isang malungkot na kaganapan ito, na nangangahulugan na magtatagal pa ang giyera at maraming buhay pa ang mawawala.
Nakalulungkot naman ito sapagkat bagama’t maaaring may katwiran ang Israel sa pagsasabing ginagamit ng Hamas na panangga ang sibilyang Palestino, ‘di pa rin ito sapat para magpatuloy ang karahasan at pagdanak ng dugo.
Sana’y ihinto na ng Israel at ng Hamas ang kahibangan nila! OPENLINE/Bobby Ricohermoso
