NAHAWA na kay PNoy ang kanyang mga alipores patungkol sa isyu ng matinding pagsikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Gaya nang istilo ni PNoy na mahilig magturo sa tuwing may kontrobersyal na isyu laban sa kanya, nagturuan na ang Metro Manila Development Authority (MMDA) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ang sabi ni MMDA Chairman Francis Tolentino, ang bagong direktiba ni LTFRB Chairman Winston Ginez ang dahilan kaya nagsikip ng todo ang daloy ng trapiko sa Kamaynilaan.
May punto si Tolentino kasi tila kinontra ni Ginez ang ilang programa ng MMDA para paluwagin ang daloy ng trapiko pero giit naman ni Ginez… hindi ang kanyang direktiba ang tunay na dahilan ng problema na ito.
Tskkk tskkk… may punto rin naman si Ginez kasi dati nang masikip ang daloy ng trapiko kaya lang talagang nitong mga nakalipas na araw ay talagang tila magpapatayan na ang mga motorista sa kalsada dahil ‘super duper’ trapik.
Ang alam ko ay abogado itong si Tolentino at dating alkalde sa lalawigan ng Cavite kung saan maganda ang sitwasyon ng trapiko sa ilalim ng kanyang panunungkulan.
Abogado rin itong si Ginez kaya nga una siyang sumikat sa taumbayan doon sa Impeachment Proceedings ni dating Chief Justice Renato Corona kaya sinasabing bayad-utang ni PNoy ang pagkakalagay sa kanya sa LTFRB.
Kaya lumilitaw na abogado kontra abogado na ang bangayan sa loob ng tribu ni PNoy subalit sa mga nangyayaring sisihan at turuan nitong dalawa ay nagmumukha silang aboGAGO.
Ooops, meron pang sisihan at turuan! Tambak na ang mga kahon sa pantalan natin sa Maynila.
Ang sinisisi ng Philippine Ports Authority (PPA) ay ang direktiba naman ni Manila Mayor Joseph Estrada.
Malaking epekto ito sa ating ekonomiya dahil tiyak na tataas ang bilihin dahil sa karagdagang gastos ng mga negosyante sa ating mga pantalan. Maaantala rin ang koleksyon sa buwis ng Bureau of Customs (BoC).
Nagkaroon tuloy ng dahilan si Pareng Jane Shuffafa na ikalso ang direktiba ni Mayor Erap patungkol sa mga trak kaya nananatiling lagapak ang koleksyon ng BoC.
Gaya ng MMDA at LTFRB, nagsisihan at nagturuan ang PPA, BoC at lokal na pamahalaan ng Maynila sa isyu ng tambakan ng mga kahon sa ating mga pantalan. Ang taumbayan… nood nood lang sa kagaguhan nila!
***
Para sa inyong komento o suhestyon: 09237397381 EKSPERTO/Joie O. Sinocruz, Ph.D.