KUMAKALAT ang ulat na nais ng presidential sisters na mag-resign na si Florencio Abad bilang budget secretary ni Pangulong Aquino.
Pero sinalo umano ito ng maimpluwensyang Hyatt 10, ang grupo ni Abad na kinabibilangan din nina Secretaries Soliman at Deles.
Ayon sa media sources, lubos na nababahala si Kris Aquino at tatlo pa niyang mga kapatid na babae sa kaliwa’t kanang batikos kay PNoy.
Ang pagbibitiw umano ni Abad ang magiging susi para mawala ang galit ng taumbayan at muling bumango ang imahe ng Pangulo.
Ayon pa sa informant, mabangong-mabango ang pangalan ng President pero dahil sa isyu ng Disbursement Acceleration Program, bumaho ito.
Si Abad ang itinuturong arkitekto ng implementasyon ng DAP na idineklarang partly unconstitutional ng Supreme Court.
Dahil bilyong pondo ng gobyerno ang nagastos nang mali batay sa desisyon ng SC, ang sinisisi ng sambayanan ay si Pangulong Aquino.
Napakasakit, marahil para sa presidential sisters na minumura ang kanilang kapatid na Presidente dahil sa maling advice ni Abad.
Hindi sanay ang mga ito na napupuna sa maling nagawa dahil sila’y mga anak at anino nga ni Ninoy at yumaong maybahay na dating Pangulong Cory.
Dahil sa ‘di mahinto-hintong banat kay PNoy, ayon sa source, ang lungkot at sama ng loob ay talagang tumama sa presidential sisters.
At naniniwala ang magkakapatid na ang pagbibitiw ni Abad bilang budget secretary ang magpapahinto sa galit ng taumbayan.
Pero sa kabila ng panawagang mag-resign, ayaw talagang magbitiw ni Abad.
Ngayon at ang mga kapatid na ni PNoy ang humihingi ng resignation ni Abad, bigla naman umanong umentra ang Hyatt 10.
Presidential sisters versus Hyatt 10, sino sa kanila ang magwawagi?
Pero isa lang ang nakikita natin sa pagbabanggaan ng mga kapatid ng Pangulo at mga kaibigan at supporters na Hyatt group.
Habang sila’y mainit na nagbabangayan, nakatawa naman ang kabilang kampo. Tiyak ‘yan, dahil plus-plus ‘yan kay VP Binay. CHOKEPOINT/Bong Padua
