NOON pa lang nakipag-ugnayan na si Manila Mayor Joseph Estrada sa mga opisyal ng Hong Kong government upang humingi ng tawad kaugnay sa nangyaring madugong Luneta siege, unti-unti nang bumalik ang tiwala ng mga dayuhan hindi lang sa Maynila kundi sa buong bansa.
Sa paggunita noong Sabado ng ika-4 na taong anibersaryo ng Manila Bus Hostage Tragedy na naganap sa Quirino Grandstand noong Agosto 23, 2010, muling inulit ng “Ama ng Maynila” na siyang nanguna sa okasyon na walang masama sa paghingi ng tawad lalo kung ito ay para sa kapakanan ng nakararami.
Ayon pa nga kay Mayor Erap, nakaganda pa ang kanyang paghingi ng tawad sa pamahalaan ng Hong Kong at maging sa pamilya ng mga nasawi sa trahedya sapagkat unti-unting naibalik ang dating magandang ugnayan ng dalawang bansa, bukod pa ito sa hindi magandang trato na naranasan ng mga Filipinong nagtatrabaho sa Hong Kong.
Patunay na maganda ang ugnayan ng Hong Kong at Pilipinas, lalo na ang Maynila, ay ang paggunita ng ika-apat na taong anibersaryo ng pangyayari kung saan ang mga Buddhist monk mula sa Hong Kong ang nanguna sa paggunita ng okasyon na pumatak ang katumbas na petsa ng anibersaryo alinsunod sa Chinese Lunar Calendar.
Nanikluhod ang dating Pangulo sa mga opisyal ng Hong Kong at pamilya ng walong nasawi sa Manila Bus hostage tragedy para lang muling magbalik ang tiwala ng mga ito sa ating bansa.
Kabaliktaran ito ng nais ni Pangulong Benigno Aquino III na pilit nagmamataas sa pangyayari na walang kasalanan ang kanyang pamahalaan.
Pero kung mismong ang Pangulo o ang hepe ng Philippine National Police ang nagmando sa mga nadeploy na pulis, tiyak na hindi umabot sa madugong patayan ang hangad ng hostage taker na malinis ang kanyang pangalan matapos kasuhan sa Office of the Ombudsman.
Totoo, muling nabalik ang tiwala ng Hong Kong nationals at maging ng Tsinoy sa pamahalaan subalit ang respeto nila o pagsaludo ay para lang kay Mayor Estrada sapagkat ito ang gumawa ng unang hakbang upang maging maayos ang nagkalamat na samahan at tiwala.
Kaya lang, kawawa naman ang mga pulis na binigyan ng parusang demotion para lang masabing may naparusahan sa insidente. Dapat sana ay ang mga nagpasikat na opisyales ang kinasuhan at pinarusahan, hindi ang mga nasa isang tabi lang na sumusunod sa sinasabi ng nakatataas sa kanila.
Sabagay, ganoon talaga ang kalakaran, kailangang may magsakripisyo upang muling mabuo ang nagkalamat na samahan. PAKUROT/Lea Botones

