MARAMING tumutuligsa sa mga politiko at mga nasa gobyerno na tumututol sa patuloy na paggamit ng motorsiklo na naglululan ng magkaangkas na tao.
Sabi ni Atty. Ariel Inton, commissioner ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board, naiintindihan niya ang damdamin ng mga taong ito sapagkat lumalabas na ang motorsiklo ay sasakyan ng mahihirap kaya nga sinasabing hindi makamasa o mahirap ang mga tutol rito.
Anang dating konsehal ng Lungsod Quezon, malulutas ang problema sa riding-in-tandem kung makikiisa ang mga negosyanteng sangkot sa paggawa ng motorsiklo.
Mukhang may katwiran itong si Inton nang sabihin niyang dapat lang na ang mismong mga gumagawa (manufacturer) ng motorsiklo ang magbigay ng pahayag na ang sasakyang kanilang ginawa ay nakadisenyo para sa tsuper lang nito at hindi dapat may kaangkas.
Sabi pa ng komisyuner ng LTFRB, noong dekada 90, hindi pinayagan ng kanilang tanggapan na gawing public transportation ang motorsiklo at gawing “solo taxi.”
Hindi pinayagan ang pagpapatupad na gawing sasakyang pampubliko ang motorsiklo sapagkat napatunayang delikado ito bukod pa sa naglalabas ito ng mas maraming nakalalasong hangin kapag may angkas na nakadaragdag sa problema sa polusyon.
Dapat lang matapos na ang riding-in-tandem sapagkat nagiging palasak na rin ang holdapan at patayan na ang sangkot ay magkaangkas na tao sa iisang motorsiklo.
Kapag hindi na pinayagan ng pamahalaan ang pagsakay ng angkas sa motorsiklo ay magiging malaking hakbang ito o tulong sa pulisya sa pagsugpo ng kriminalidad.
Kaya nga, dagdag ni Inton, dapat lumutang at magbigay ng pahayag sa lalong madaling panahon ang mga gumagawa ng motorsiklo upang matigil na ang pagsasakay ng angkas dito.
Dapat lang na puwersahin na ng pamahalaan ang mga gumagawa na tumulong sa gobyerno para malutas ang problema sa riding-in-tandem na talaga namang sakit na ng ulo ng mga alagad ng batas.
Totoong hindi lahat ng riding-in-tandem ay kriminal at masasamang loob.
Halimbawa na lang dito ang magkaibigang Anthony Comon at Jose Alfredo Quitaleg na lulan ng motorsiklo nang habulin ng mga pulis dahil sa nakataas ang plaka ng motorsiklong gamit nila at hindi makita ang control letters at numbers.
Nabaril at napatay sila ng mga pulis kaya’t gayun na lang ang hinanakit ng kanilang mga kamag-anak. Ang masakit pa, nawala ang kanilang wallet at iba pang dokumentong pagkakakilanlan kaya’t hindi alam kung saan hahanapin ang kanilang mga kaanak.
Inabot ng dalawang araw sa morgue ng punerarya ang dalawang pinagkamalang masasamang loob dahil lang sa lulan sila ng motorsiklo at pawang nakasuot ng helmet.
Kung bawal na ang riding-in- tandem, tiyak na hindi mangyayari ang masaklap na trahedya sa buhay ng dalawang tricycle driver na patungo lang sana sa bahay ng isang kamag-anak. PAKUROT/Lea Botones
