NAKATAKDANG ganapin dito sa Pilipinas sa susunod na taon ang 23rd Asia Pacific Economic Summit na dadaluhan ng may 21 lider ng mga bansa at ekonomiyang kasapi ng nasabing samahan.
Napakahalagang pagpupulong ito ng mga lider ng mga bansang Estados Unidos, China, Russia, Japan at iba pa. Kaya lang ay hindi nabibigyan ng tamang publisidad kaya naman walang sapat na impormasyon ang ating mga kababayan hinggil dito.
Base sa APEC National Organizing Council (NOC), ang ilan sa mga lugar na pwedeng pagdausan ng nasabing mga pulong ay Clark, Subic, Metro Manila, Cebu, Davao, Iloilo, Tagaytay, Boracay at Bacolod.
Kapansin-pansin na hindi kasama ang Davao City bagama’t marami rin namang maipagmamalaking magagandang tanawin at pasyalan ang nasabing lugar.
Pero hindi tungkol sa host cities ang paksa ng kolum ko ngayon bagama’t maaaring talakayin ko rin ito sa mga susunod na isyu.
Base sa schedule, ang mga pagpupulong ay magaganap simula Disyembre 2014 at magtatapos hanggang sa Nobyembre 2015.
Inaasahang aabot sa 3,000 hanggang 4,000 delegado ang dadalo sa mga pagpupulong na karamihan ay darating para sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa Nobyembre ng susunod na taon.
Sa bilang na ito, aabot sa 300 hanggang 400 na pinuno ng bawat economic member ang darating, kasama na ang 300 hanggang 400 miyembro ng media.
Interesado ako sa aspeto ng media sapagkat ilang mapagkakatiwalaang source natin sa Palasyo ang nagbulong sa atin na aabot sa P500-milyon ang inilaang media budget ng pamahalaang Aquino para sa nasabing pulong.
Gagamitin daw ang nasabing halaga sa pagbili ng kung ano-anong mga state of the art photo equipment, laptop, computer gadget at iba pa na sa tingin ko ay hindi naman kailangan sapagkat meron namang ganitong gamit ang communications office ng Palasyo.
Mukhang dapat bantayang mabuti ang hinggil sa budget ng media dahil balita ko ay may ilang naglalaway na rito dahil alam nilang may pagkakakitaan dito.
Para sa akin ay wala namang problema kahit ganoon kabastante ang media budget basta magamit lang ito sa tamang layunin at hindi pagkakitaan ng ilang limatik diyan sa Malakanyang. Abangan! OPENLINE/Bobby Ricohermoso