HALO-HALO na ang mga dahilan ng pagkakasakit sa puso at pagtaas ng dugo ng maraming mamamayan.
Naririyan, por eksampol, ang takot sa walang puknat na pananalasa ng mga riding-in-tandem o ng kahit single rider gaya ng pulis na dumale kay Enzo Pastor.
Mayroon kasi sa mga riding-in-tandem ang basta pumapatay lang bilang trip o dahil sa pagiging hired killer.
Mayroon naman ‘yung panghoholdap lang ang pakay pero pumapatay kung papalag ang biktima.
May nagkakasakit din sa puso at tumataas ang dugo dahil sa kahirapan.
Halimbawa ang mga tinatanggihan ng mga ospital dahil sa kawalan ng maideposito kahit sa emergency na ang kalagayan ng pasyente.
Mayroon ding nagkakaroon ng nasabing mga sakit, parekoy, dahil sa dumi ng politika sa bansa.
Hindi na lang kasi nagsisiraan ang mga politiko kundi gusto na nilang ipabilanggo ang kanilang mga kalaban.
May nagkakasakit din sa puso at high blood dahil sa kawalan ng masingil na pautang at basta na lang nangmamasaker gaya ng pulis sa Pangasinan.
At alam ba ninyo, parekoy, na ang atake sa puso at high blood ang nangungunang sakit at dahilan ng pagkamatay o pagpatay ng maraming Pinoy?
Kung iisipin, mahirap pigilin ang mga sakit na ito dahil sa nasabi nang mga problema at kalagayan.
Pero may remedyo pala laban sa mga sakit na ito.
Sa isang pag-aaral ng European Society of Cardiology sa nasa kalahating milyong katao, parekoy, lalo na sa bansang Tsina, kung araw-araw kang kumain ng prutas, mababawasan pala ang iyong pagkakasakit ng 25 – 40 porsyento.
At mabawasan din ng 32% ang posibleng pagkamatay mo sa araw-araw mong pagkain ng prutas.
Dito natin naalaala ang sinasabi ng mga doktor, “An ‘apol’ day keeps the doctor away.”
Meron lang tayong habilin, parekoy.
Sana hindi kumain ng prutas ang mga riding-in-tandem, nangmamasaker sa media at dahil sa utang, hired killer, tumatanggi sa mga pasyente nang walang deposito at kawatan, abusado at inutil na politiko para sila ang tamaan ng sakit at mapeste na rin.
Pero, king-ina, ang mga ito ang may pambili ng apol at iba pang prutas kaya higit na nagtatagal ang buhay nila kaysa mga mamamayan. BURDADO/Jun Briones