DAHIL sa serye ng kriminalidad na kinasasabitan ng mga scalawag na pulis, agad na ipinag-utos ni PNP chief Director Gen. Alan Purisima sa lahat ng pinuno ng PNP units na maging mapagmatyag at hulihin ang kanilang nagkakasalang personnel lalong-lalo na yaong mga sumasabit sa kriminalidad.
Ayon kay Gen. Purisima hindi nila patatawarin, kakampihan o sasantuhin ang masasamang police personnel.
Ipinaalala ng heneral na bago pa siya nagsalita sa kanyang inaugural speech noon ay ‘winarningan’ na niya ang mga pulis kahit ‘yung nag-iisip pa lang gumawa ng masama na lumayas at agad na magbitiw sa kanilang serbisyo. Dahil sa kanyang reputasyon na opisyal na may isang salita, patuloy ang pagkaubos ng mga scalawag sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ayon pa kay Gen. Pursima, noon pa man ay marami nang natanggal na mga scalawag na pulis sa PNP. Noong 2013, sa ilalim ng kanyang pamumuno,ay 249 ang natanggal at 585 ang nasuspinde.
Sa pamumuno niya, ang bilang ng tiwaling pulis ay bumaba at mula sa January hanggang July, samantalang ngayong taon naman ay 18 ang natanggal sa serbisyo at 67 ang nasuspinde.
Malinaw na ang bilang ng mga tiwaling pulis ay unti-unti nang nababawasan dahil ang magkaroon ng ‘police force’ na tapat sa tungkulin na protektahan at serbisyuhan ang publiko ay pangarap at layunin ni Gen. Purisima bago siya tuluyang magretiro.
Naniniwala si Purisima na ang problema ng ‘scalawag’ay mananatili sa PNP kung hindi puputulin ng estado ang ugat ng korapsyon at tukso sa kapulisan at naniniwala siya na nagsisimula ito sa sistema ng recruitment.
Sinabi ng heneral, sa aplikasyon pa lang ay lumalabas na agad ang korapsyon dahil ang mga aplikante, kahit hindi qualified, ay nagagawang ma-qualify dahil sa nagbabayad lang ito para makapasok sa kapulisan.
Masyado raw maluwag ang sistema. Naniniwala pa rin si Purisima na dapat ang PNP organization ay may sariling academic at training school para sa rank and file personnel. Dahil nandyan pa rin ang ‘palakasan’ at ‘korapsyon’, ang mga hindi dapat papasukin ay nakakalusot.
***
Anomang reklamo o puna ay i-text lang sa 09189274764, 09266719269 o i-email juandesabog@yahoo.com. JUAN DE SABOG/JOHNNY MAGALONA