NAGBUNGA nang husto ang trahedya sa bagyong Yolanda.
Kung tutuusin, malakas na rin ang bagyong Luis dahil umabot ito sa signal no. 5 at nagkaroon ng hangin na 160 kilometro kada oras. Pero habang tinitipa natin ito, walang naiulat na namatay sa dinaanan ng bagyo.
Nagkaroon ng ibayong pag-iingat ang mga mamamayan at nakinig sila sa mga babala ng pamahalaan mula sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, National Disaster Risk Reduction Management Council, local government units at iba pa.
Ang nadisgrasya lang ay ang barkong MV Maharlika na namatayan ng makina at lumubog sa karagatan ng Southern Leyte na kinamatayan ng 8 katao at isang sanggol sa Cagayan.
PAWANG ARI-ARIAN
Pawang mga ari-arian lamang ang nasira at hindi buhay ng tao.
Gaya ng inaasahan, maraming dumapang poste ng kuryente na nagbunga ng mga blackout at brownout. Sinira rin ng bagyo ang libong ektarya taniman ng mga palay, mais at iba pang mga pananim. May nasira ring mga kalsada at tulay.
Syempre pa, may daan-daang stranded sa mga pantalan at paliparan at pasahero ng mga sasakyang panlupa dahil sa mga landslide.
Pero malaki ang pasasalamat natin at kakaunti lang ang kinuha ni Lord.
KAPABAYAAN NG GOBYERNO
Bukod sa pagliligtas ng sarili ng mga mamamayan mula sa mga panganib, lalo na ang kamatayan, nagkaleksyon din nang husto ang mga ito sa naganap sa trahedya sa Yolanda.
Pangunahin sa mga leksyon ang kapabayaan ng pamahalaan.
Ayaw na danasin ng mga mamamayan, mga Bro, ang puro gutom at pamumulitika ng mga lider ng bansa matapos silang mabuhay makaraan ang sakuna.
Akalain ba nating sobra-sobra ang tulong ng mga dayuhan at mamamayang may mabubuting kalooban ngunit marami sa kanilang tulong ang hindi nakarating sa mga biktima.
Anak ng tokwa, malalaman na lang ng mamamayan na itinatapon na ang mga ito dahil sira na.
‘Yung iba === inangkin ng mga halang ang kaluluwa at ‘yung iba, nakarating sa mga mall at palengke para ibenta.
HANAPBUHAY
Makaraan ang mga sakuna na dulot ng bagyong Luis, balik sa normal na buhay ang mga mamamayan.
Lalo na sa parte ng mga magsasaka at naghahayupan na nasiraan din ng mga alaga, sa mga kapitbahay na may kaya sila tumatakbo.
Wala naman kasi silang maaasahan na bagong puhunan mula sa pamahalaan.
May nagsabi nga sa atin na hindi prayoridad mismo ng Land Bank na bangko ng pamahalaan ang mga maliliit.
Sa rami ng mga rekisitos din na pinalalabas ng bangko, sa mga Bumbay at magaan na nauutangang kapitbahay na lang tumatakbo ang mga gustong muling mamumuhunan makaraan silang masiraan ng mga produkto at gamit sa produksyon.
Hindi na sila gaanong umaasa ng tulong sa pamahalaan lalo’t ang mga malalaking negosyante lang ang malinaw na gustong partner ng pamahalaan sa pag-unlad ng bansa at hindi ang mga ordinaryong mamamayan.
TO PROTECT AND TO SERVE
Ito ang pangunahing panuntunan ng pulisya sa kanilang paglilingkod bayan.
Protektor sila at taga-silbi ng lahat ng mga mamamayan, Pinoy man o dayuhan, sa mahal kong Pinas.
Protektor at taga-silbi sila sa kahit anong pangangailangan ng mga mamamayan kaugnay ng mga krimen.
Naging bahagi na nga rin ng kanilang paglilingkod-bayan ang mga gawaing kaligtasan kaugnay ng mga kalamidad at hindi na lang para sa kaayusan sa lipunan.
Pero sa mga lumalabas na balita ngayon, anak ng pitong putakte, nagmumukhang bantay-salakay ang mga ito at sila pa ang nagmumukhang kriminal.
Sira-sira tuloy ang katwirang bibihira lang naman ang mga bugok.
Para kay Interior Secretary Mar Roxas, isang porsyento lang ang mga halang ang kaluluwa o demonyo at lahat ay mga anghel na.
Sa 150,000 pulis sa buong bansa, tatlong batalyon o 1,500 pulis lang naman ang katumbas ng 1%.
Ngek, ang dami niyan, mga Bro.
Pero sa nagaganap ngayon, hindi kapani-paniwala ang paniniwalang 1% lang ang iskalawag.
Pero dahil nalalapit na ang 2016, sayang ang 135,000 na boto. Hehehe!
MAGBABABOY, MAY HARDWARE
‘Di ba may mga Bulacan police na tumira ng isang Chinese national sa isang kasong kidnapping “for ransom” sana?
At nahuli ang dalawa sa mga iskalawag na ito.
Anak ng tokwa, heto ang sumbong sa atin ng mga negosyanteng Tsinoy sa baboy, manok at hardware.
Punom-puno ang Bulacan ng mga piggery, manukan at malalaking hardware.
Alam ba ninyong halos lahat na umano ay biktima ng kidnapping for ransom ang mga ito?
At kung magsumbong ka sa mga pulis, pagdating mo sa bahay, madaratnan mo ang katakot-takot na death threat? Ano ang ibig-sabihin niyan, mga Bro?
BAKIT, BAKIT?
Sakit sa ulo ng mga negosyante ang mga iskalawag na pulis na hindi mo na malalaman kung nasa paligid mo sila o hindi.
Kung hindi ka nila kokotongan, mas masama ang aabutin mo sa kanila.
May isa nga raw na bago inalis sa kanyang puwesto sa Bulacan bilang hepe ng munisipyo, tumira ito ng may malaking hardware at hiningan ito ng P30-milyon bilang ransom.
Dapat pag-aralan nang husto ng pamahalaan ang ganitong pulisya upang sa huli tunay na masabi ng mga mamamayan na sila nga ay protektor at taga-silbi ng mga mamamayan.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA