HINDI sana mauwi sa madugong ending ang mainit na tagpong ating nakikita sa pulitika ng Maynila.
Dati na ngang mainit ang labanan, pinainit pa ng kaipokrituhan ng mga pulis-Maynila na may balak din atang kumandidato.
Sino naman ang maniniwalang talagang anti-illegal gambling lang ang lakad nila sa pag-aresto kay Isko gayong hindi naman talaga totoong galit sila sa pasugalan?
Sabihin n’yo sa amin, mga Manila’s Finest, kung saan walang video karera sa Maynila at ituturo naman namin sa inyo kung saan mayroon? At sabihin n’yo nga sa amin kung walang saklang-patay r’yan sa inyong lungsod.
At pakisabi rin kung talagang walang jueteng at bookies sa kapitolyo ng bansa bago kami maniwalang you hate gambling guys!
Masyadong inilagay ng mga pulis-Maynila sa peligro ang buhay ng mga supporter ng magkakalabang politiko sa lungsod dahil sa walang kakuwenta-kuwentang pag-aresto.
Harinawa’y huwag mabahiran ng dugo ang eleksiyon sa pagitan nina Erap at Lim dahil sa ginawang ito ng mga pulis.
***
Malaki na ang ulo ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.
Para na siyang naka-helmet kapag naglalakad sa sobrang laki ng ulo kaya wala nang pinapansing mga media.
Ang dahilan, wala naman kasi siyang mabigat na kalaban kaya pakiramdam niya ay hindi niya kailangan ang tulong ng mga reporter.
Inaangal si Herbert ng mga radio anchor dahil sa tuwing tatawagan siya para sa interview, madalas ay hindi sumasagot.
Kung may sasagot man sa kabilang linya, security o kaya secretary at sasabihin lang na nasa meeting ang alkalde.
Tatawagan na lang daw pag puti ng uwak at pag-itim ng tagak.
Talagang ganyan, weder-weder lang ‘yan, ‘di ba Mayor?
***
Mabigat din ang labanan sa Pasay City sa pagitan nina Mayor Tony Calixto at ang businessman na si Jorge del Rosario.
Dating BFF o bestfriend forever silang dalawa pero ngayon magkalaban na sa pulitika.
Nababalitang maraming kasalanan si Mayor kay Jorge kaya hindi natin masisi kung magtapos man ang kanilang pagkakaibigan sa labanan sa balota.
Abangan ang matinding sagupaan sa Pasay.
allanpunglo@yahoo.com
