Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

PAMAMAYAGPAG NG PROSTITUSYON

$
0
0

MAY mga establisimyentong parang walang kinatatakutan at patuloy na namamayagpag kahit ni-raid at ipinasara na ng mga awtoridad bunga ng prostitusyon.

Noong Agosto ay sinalakay ng National Bureau of Investigation-National Capital Region (NBI-NCR) ang Miss Universal (MU) Disco sa F.B. Harrison St. sa may panulukan ng Libertad St. sa Pasay City.

Batay sa sources ay ni-raid ng NBI ang club at iniligtas ang dalawang menor-de-edad na babae na nagtatrabaho rito. Dahil dito ay nakulong nang walang piyansa ang babaing tumatayong OIC at floor manager ng club na kilala sa pangalang “Cielo.”

Pero kahit nakapiit ay si Cielo pa rin umano ang kumokontrol sa pagpapatakbo ng Miss Universal, na patuloy na dinarayo ng mga Pinoy at dayuhang parokyano.

Bakit naeengganyo ang mga kostumer na magpabalik-balik sa MU?

Bukod sa tumatanggap sila ng mga dalaginding bilang dancers at GROs ay kilala ang MU sa pagpapalabas ng mga babaeng hubo’t hubad na nagsasayaw. May mga babae rin silang game sa sex sa loob ng VIP rooms at pwedeng i-bar fine at bayaran para sa panandaliang aliw.

Sa kabila ng raid ng NBI, bakit patuloy ang MU sa pag-o-operate at pag-aalok ng “kasiyahan” sa kanilang mga parokyano? Mukhang totoo nga ang sabi-sabi na wala raw takot ang MU dahil malakas sila sa Pasay City Hall, Pasay City Police, sa korte at pati na sa ibang mga ahensya.

Noong Mayo 2011 ay ni-raid din ng NBI ang Miss Universal at naaresto ang floor manager, supervisor at ibang empleyado ng club. Na-rescue nila ang 20 babae at nakumpirma na 17 sa kanila ay menor-de-edad. Ayon sa mga nailigtas na dalagita ay nagtatanghal sila ng malalaswang palabas at binabayaran kapalit ng “sexual activities.”

Bunga nito ay ipinag-utos ng Department of Labor and Employment (DoLE) noong Hunyo 2011 ang permanent closure ng MU. Paano ito nakabalik at muling nakapag-operate?

Kahit gabi-gabi na mag-raid ang NBI ay balewala kung patuloy rin itong makapagbubukas.

Ang MU ay ilang daang metro lamang ang layo sa city hall at police headquarters pero bakit ang NBI pa, at hindi ang Pasay City Police, ang umaksyon sa mga iligal na aktibidad na kinasangkutan ng club?

Bukod sa NBI ay dapat kumilos din ang Southern Police District (SPD), National Capital Region Police Office (NCRPO) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang hindi mapaghinalaang “nakikinabang” kayo sa MU, lalo na ngayong mainit ang mata ng publiko sa pulis.

Tiyaking walang kalaswaan, prostitusyon o ibang nilalabag na batas sa loob ng club.

Dahil sa patuloy na pamamayagpag ng MU ay hindi maiiwasan na may mag-isip at magduda kung kanino talaga ito nakasandal. Sino nga kaya ang maimpluwensyang protektor ng club kaya wala silang kinatatakutan?

*              *              *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa firingline@ymail.com o mag-tweet sa @Side_View. FIRING LINE/ROBERT B. ROQUE, JR.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247