BIGLAAN ang pagkakasalanta sa atin ng habagat na hinigop ni Bagyong Mario!
Buti na lang at maagap ang mga opisyal ng Marikina sa pag-monitor ng namumuong rainclouds. Gising na gising ang Command Center ng aming Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ni Dr. Val Barcinal.
Bandang 2:50 ng umaga tinext ko si Mayor Del R. De Guzman at City Administrator Melvin Cruz, “Gud am, mayor and CA. Puyat na naman tayo nito. Kanina pa tuloy-tuloy ang ulan. 14.2m ang ilog. Sana humupa na. Tnx.”
Agad namang tumawag sa akin si Mayor Del at sinundan din ng tawag ng aming city administrator, “All levels, no classes na tayo.” Agad ko itong nilabas sa Twitter ng Marikina PIO at sa Facebook. Mahigit 40,000 ang Twitter followers namin at more than 30,000 ang Facebook friends namin. Nag-text na rin ako sa newsdesks ng TV at Radyo.
Nauna ang Marikina na mag-anunsyo ng walang pasok sa Metro Manila. Bago pa niyan ay inalerto ko na ang mga kapwa kong PIO o Public Information Officer na mag-timbrehan kami ‘pag meron nang magsu-suspend ng klase. Mainam ang ganitong sharing ng information or close coordination para ‘pag tinanong kami ng mga mayor namin kung sino na ang mga nagdeklara ng walang pasok ay masasabi namin agad.
Makatutulong ito nang husto para agad makapagdesisyon ang mga mayor.
‘Yan ang kagandahan sa Marikina. Dahil sanay na sanay na sa baha at may sistemang sinusundan – organisado ang disaster response.
Pati sa actual evacuation at management sa evacuation centers sa aming mga paaralan ay maayos din ang sistema ng lungsod ng Marikina.
Ngunit ang pinakanakabibilib sa mga tauhan ng Marikina – lalo na ang mga involved sa disaster operations ay ang malasakit na iwanan ang sariling pamilya sa panahon na pinakadelikado at pinakakailangan sila ng kanilang pamilya para pagsilbihan ang bayan at mga residente ng Marikina!
Naisulat ko na ito sa isang nakaraang kolum. Biro mo, habang ang karamihan ay pauwi para makasama ang pamilya nila sa panahon ng disaster… eh, ang mga disaster operative naman ay papasok para siguraduhing ligtas ang isang buong bayan!
Buti na lang at may mga tulad ni Weng Ganibi ng Provident Village at DENR Public Affairs na nagmensahe ng: “Hi, Paul. Weng – DENR here. Thank you for taking time to respond to my texts. We know how hard you guys worked. Thanks to all the noble workers and officials of the city government of Marikina. Your efforts did not go unnoticed. They were truly appreciated. God bless your good hearts.” ABISO/PAUL EDWARD P. SISON