Quantcast
Channel: Opinions – Remate
Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247

GRUPONG PNOY ‘DI PAPAYAG SA RE-ENACTED BUDGET

$
0
0

HINDI papayag ang mga politiko sa ating bansa sa re-enacted budget dahil ang pondo para sa susunod na taon ay maikokonsidera na panggastos para sa pagpapapogi sa election.

Ito ang tunay na dahilan kung bakit hindi papayag ang Kongreso, maging ang mga alipores ni PNoy na politiko sa kanyang gabinete, dahil ito ang magdadala sa kanila ng pondo na kanilang gagamitin para sa proyektong magpapapogi sa kanila sa 2016.

Malinaw naman kasi na ang 2015 budget ang siyang magiging sandigan ng lahat ng politiko lalo’t higit ang nasa Kongreso at mga mamanukin ni PNoy upang magawa ang kanilang mga plano at programa na siyang magdadala sa pangarap na re-election.

Hindi rin totoo ang sinasabi ng majority floor leader ng Kamara na si Cong. Neptali Gonzales na ang re-enacted budget ay kasingkahulugan na ang P391-bilyong pondo para sa mga pagawaing bayan ay magiging pondo ni PNoy.

Malinaw sa batas na sa re-enacted budget ay pwede lamang galawin o gastusin ng gobyerno ang mga alokasyong nakalagay sa pampasweldo, pagbabayad ng utilities kagaya ng tubig at kuryente at gastusing may kinalaman sa pagpapatakbo ng isang ahensya ng pamahalaan.

Nagdidikta rin ang rason na ang isang tapos na proyekto na pinondohan ngayong taon ay hindi maaaring ipagawa muli dahil nagawa na ito ng pamahalaan kaya’t malinaw na may problema itong si Mang Neptali, na nagpapanggap lamang palang isang paham.

Maihahalintulad natin ang katwiran ni Gonzales sa DAP na kung saan sinabi ng Korte Suprema na iligal ang ginawang paggastos dito ng gobyernong Aquino dahil hindi ito dumaan sa Kongreso at hindi ring maikokonsiderang savings ang isang pondong hindi nagugol hangga’t hindi pa natatapos ang taon.

Klaro na pagpapaikot o pananakot lamang sa madla na kanilang palagiang ginogoyo ang diskarteng ito ng kinatawan ng Mandaluyong sa Kamara dahil kahit barangay officials ay alam ang kahulugan ng isang re-enacted budget.

Hindi rin maikukubli ang katotohanang ang sandigan ng isang politiko ay pondo kaya’t buo ang paniniwala ng pitak na ito na walang re-enacted budget na magaganap dahil alam naman nating palabas lamang ang lahat. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO


Viewing all articles
Browse latest Browse all 7247


<script src="https://jsc.adskeeper.com/r/s/rssing.com.1596347.js" async> </script>