KAMAKAILAN ay nakatanggap tayo ng reklamo ukol sa diumano’y abusadong kapitan ng barangay sa Maynila. Maliban sa pagtatayo nito ng barangay hall sa isang pribadong lupain na walang pahintulot ang may-ari, ginawa pa itong tambakan ng mga bulok niyang sasakyan.
Ayon sa reklamo, nagmamatigas umano si Brgy. Chairman Mario Dauz ng Brgy. 590 Zone 58 sa Sta. Mesa, Manila na lisanin ang lote na nabili ng pamilya Hortaleza sa kabila ng pakiusap ng mga may-ari ng lupa.
“Sinabihan namin sila though lawyers na we need the place for the renovation …ayaw pong umalis ni chairman,” paglalahad ng taong nagreklamo sa atin.
Ang matindi pa, ginawa rin umanong tambakan ng mga bulok na sasakyan ang kanilang lupain at sa kabila ng pangako ni Chairman Dauz na tatanggalin niya ang mga ito, hanggang ngayon ay wala pa rin umanong aksyon ito.
Iniipit din umano ni Chairman ang mga Hortaleza sa kanilang aplikasyon ng business permit, gayundin din ng barangay permit. Walang ibang maisip na dahilan ang mga Hortaleza dahil kumpleto naman sila sa mga ligal na requirement maliban siguro sa kanilang desisyong ipagkait ang kanilang lupa kay Dauz.
Sa mga ganitong pagkakataon ay naisip natin na kaya malalakas ang loob ng mga iskwater ay dahil na rin sa pangungunsinti ng mga kapitan ng barangay.
Sa kabilang banda ay naiitindihan din naman natin kung bakit nagmamatigas si Chairman Dauz dahil napakahalaga ang barangay hall upang kanyang mapangasiwaan ang komunidad na kanyang nasasakupan. Ngunit bilang pinuno ng barangay, kailangang batid ni chairman kung hanggang saan ang kanyang kapangyarihan bilang halal na pinuno ng barangay.
Kailangan niya ang dokumento na magpapatunay na ang lupang kinatatayuan ng barangay hall ay tunay na pag-aari ng barangay dahil kung wala ito, iligal at labag sa batas ang ginawa nitong pananakop sa lupain ng iba.
Kailangan niyang itaguyod ang mga alituntuning itinatadhana ng batas.
Kinakailangan din niyang gampanan ang kanyag tungkulin gaya ng pagbibigay ng barangay permit na walang kasamang panggigipit kung ang humihiling nito ay kumpleto naman sa mga requirement. Ganyan ang tunay na lingkod-bayan. BIGWAS/GIL BUGAOISAN