MAGANDA ang ordinansang naipasa ni Valenzuela City 1st District Rovin Feliciano sa Sangguniang Panlungsod na nagbabawal sa pagtitinda ng junk foods sa loob at labas ng mga paaralan sa siyudad.
Sa pamamagitan kasi nito, makatitiyak ang mga estudyante na puro masusustansyang pagkain lamang ang kanilang makakain.
Suportado rin ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang ordinansang ito ni Konsehal Rovin dahil ayon pa nga sa alkalde, makabuluhan ang pagpapatupad nito upang mabantayan ang kalusugan ng mga mag-aaral.
Ang sinoman o alinmang paaralan na lalabag sa ordinansang ito ay maaaring mapatawan ng parusa at multa na hindi hihigit sa P5,000 kaya’t dapat lamang na makipagtulungan ang mga nagnenegosyo sa loob at labas ng mga paaralan upang hindi maperwisyo ang mga ito.
Labis ding nagalak ang mga magulang ng mga estudyante dahil kahit na malayo ang kanilang paningin sa kanilang mga anak ay matitiyak nila na puro masusustansyang pagkain lang ang makakain ng kanilang mga supling.
Nangako naman si Konsehal Rovin na patuloy na maghahain ito ng mga ordinansa sa Sangguniang Panglungsod na makatutulong sa pangangalaga sa mga kabataan lalo na sa mga mag-aaral ng lungsod.
MUNTINLUPA TULOY ANG PAGSULONG
Hindi tumitigil ang administrasyon ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi upang lalo pang payabungin ang patuloy na pagsulong ng ekonomiya at kabuhayan ng kanyang pinamamahalaang lungsod.
Kamakailan ay lumagda ang lokal na pamahalaan ng memorandum of agreement sa Development Academy of the Philippines (DAP) para sa pagsulong ng Quality Management System (QMS)-ISO 9001:2008 kaugnay ng programa para sa pagpapaunlad ng negosyo sa buong lungsod.
Sa pamamagitanng ISO certification, maaaring makahikayat pa ng mas maraming negosyante ang lungsod at isa rin sa tinututukan ng administrasyon ni Fresnedi ay ang maayos na pamamahala sa pamamagitan ng quality management system.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa DAP, mas mapapadali na ang pagkamit ng naturang lungsod sa adhikain nitong magkaroon ng world-class quality management system na siyang isang instrumento mabiliks na pag-asenso.
Magbibigay din ang DAP ng technical supervision sa pamamagitan ng mga trainings at seminars sa mga representante ng lokal na pamahalaan upang lalo pang mapaganda ang ibinibigay na serbisyo publiko.
Ang mga ganitong gawain ni Fresnedi ay isa lamang pagpapakita sa dedikasyon ng alkalde na matulungan ang kanyang pinamamahalaang lungsod na mapadali ang pagkamit sa tagumpay na minimithi ng mga residente, Mabuhay ka Mayor Fresnedi. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO