MALAKAS ang bulong-bulungan na may lalabas na manifest of support na pupuwersa sa mga pulis lalo na sa non-commissioned officer upang suportahan si Philippine National Police chief Dir. Gen. Alan Purisima sa kinasasangkutan nitong kontrobersya.
Ayaw sana makialam ng mga pulis na nakatalaga sa iba’t ibang distrito ng National Capital Region subalit nangangamba sila na baka maapektuhan ang kanilang Christmas at productivity bonuses na inaasahan nila pandagdag sa kanilang panggastos para sa kanilang pamilya.
Bukod dito, ayaw rin ng mga pulis na masubo sila sa kung anoman ang kahihinatnan ng kontrobersyang kinasasangkutan ng pinakamataas na opisyal ng kapulisan.
Kasi nga naman, kapag pumirma o ‘di pumirma sa manifesto ay tiyak na damay pa rin sila sa anomang kahihinatnan ng imbestigasyon. Masibak o manatili sa pwesto si Purisima ay may epekto sa kanilang puwesto sa PNP.
Sabi nga ng isang pulis na nakatalaga sa Manila Police District, mas nais nilang magbitiw na lang sa puwesto si PNP chief para hindi na makaladkad sa kahihiyan ang institusyon na kanilang kinabibilangan.
Ang kahihiyan umano ni Purisima ay kahihiyan ng buong organisasyon dahil bahagi ito ng organisasyon na dapat sana’y may dangal at integridad.
Ayon naman sa isang taga-Quezon City Police District, hindi dapat maging bias si Pangulong Benigno Aquino III sa pagtingin sa mga opisyal ng pamahalaan na dapat sana’y maging bahagi ng kanyang “Daang Matuwid.”
Paliwanag ng pulis-QC, dapat maging parehas si Pangulong Aquino sapagkat tulad ni Supreme Court Justice Renato Corona, dapat ding paimbestigahan si Purisima.
Hindi nga raw ba’t nasibak si Justice Corona dahil sa hindi nito paglalagay sa kanyang SALN ng lahat ng kanyang mga ari-arian maging ng ari-arian ng kanyang mga anak?
Parang sinasabi nitong pulis-QC na dapat paimbestigahan din si Purisima at sibakin sa puwesto kapag napatunayang may itinatago itong yaman.
Sabi naman ng pulis na nakatalaga sa Northern Police District, tiyak na hindi bibigyang pansin ni Pangulong Noynoy ang anomang hiling at kagustuhan ng mga mamamayan na imbestigahan si Gen. Purisima dahil mula nang maluklok ang kanyang ina sa puwesto bilang Pangulo ay si Purisima na ang kumalinga rito.
Kaya nga Kuya Alan ang tawag ni PNoy sa pinakamataas na opisyal ng PNP bunga ng matagal na nilang samahan.
Sa madaling salita, ipinahihiwatig nitong pulis na kahit anong hiling at pilit ng mamamayan na matanggal sa puwesto at mapalitan ang heneral na nagmamay-ari ng mansion sa Nueva Ecija ay malabo pa ito sa sabaw ng pusit na mangyari.
Kasi raw, si Purisima ang nakaaalam ng lahat ng baho ni PNoy lalo na sa mga babaeng kanyang dinadala sa iba’t ibang lugar at maging sa mismong mansion ni Purisima.
Si Purisima rin umano ang nakaaalam kung paano nagkaroon ng maraming salapi ang Pangulo subalit ang huli rin ang nakaaalam ng mga pinagkaperahan at iligal na gawain ng heneral.
Kaya nga suntok sa buwan ang nais ng mga mamamayan at lalo na ng mga kalaban ni Purisima na masibak ito sa puwesto sapagkat malaki ang suporta ng Pangulo ng bansa sa kanya. PAKUROT/LEA BOTONES