NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang tantiya ng US Centers for Disease Control and Prevention ukol sa ebola virus disease.
Ayon sa USCDCP, lulundag sa 1.4-milyong katao ang magkakasakit ng ebola sa Enero 2015…kung hindi kikilos ang mundo nang todo laban dito.
At kung mangyari ngang aabot sa 1.4-milyon ang magiging biktima, anak ng tokwa, maaaring aabot din sa 700,000 ang mamamatay.
Batay na rin ito, mga Bro, sa nangyayari na sa 8,399 na biktima habang tinitipa natin ito, umabot na sa 4,033 ang namatay.
Halos kalahati ang nadededbol.
Sa totoo lang, sinisikmura tayo habang tinitipa natin ang sulating ito dahil na rin sa awa natin sa mga biktima at takot na rin na mapasok ang ating bansa ng nakamamatay na sakit.
LUMULUNDAG ANG EBOLA
Lumulundag ang ebola sa iba’t ibang bansa.
Mula lamang sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea nitong nakaraang Pebrero-Marso 2014, kumalat na ang sakit sa Nigeria at Senegal na pawang mga nasa Africa.
Lumundag na rin sa United States of America, Espanya, Brazil at Australia ang sakit.
Habang nagmamadali ang mga bansang ito, kasama na ang Canada at maraming bansa sa Europa, na pauwiin ang kanilang mga mamamayan sa Africa na sinasalakay ng sakit, tiyak na lalong kakalat ang sakit sa mundo.
At diyan na magkandahawa-hawa ang lahat.
May namatay na sa USA habang dalawang misyonaryong paring Katoliko naman ang namatay na sa Espanya.
Namatay sina Fr. Miguel Pajares, galing sa Liberia at Fr. Manuel Garcia Viejo, galing sa Sierra Leone, sa isang ospital sa Madrid, Spain at habang nasawi si Thomas Eric Duncan, isang Liberian, sa isang ospital sa Texas, USA.
Namatay ang dalawang pari makaraang tumulong sa mga tinamaan ng sakit sa pinanggalingan nilang mga bansa habang tumakas lang sa ebola si Duncan ngunit inabot din ito ng pumapatay na sakit.
11,000 OFW
May 4,000 overseas Filipino worker sa mga bansang Liberia, Sierra Leone at Guinea, kasama na ang mahigit na 100 sundalo at pulis na miyembro ng United Nations peacekeeping force sa Liberia, at may 7,000 sa Nigeria.
Pero hindi lang simpleng OFW ang mga Pinoy sa nasabing mga bansa o asawa kaya ng mga Africano.
May mga doktor, pari, madre at iba pang kasama sa mga lumalaban sa ebola.
Paano ang balak na pagpapauwi ng ating gobyerno sa mga ito?
‘Pag umuwi ang mga ito, kakalat sila sa iba’t ibang bahagi ng mahal kong Pinas dahil mula Aparri hanggang Jolo ang pinanggalingan ng mga ito.
Maimadyin ba ninyo, mga Bro, kung gaano kadelikado ang ebola sakaling umuwi na ang mga OFW sa Pinas?
SINTOMAS AT PAGHINOG
May mga sintomas ang ebola.
Karaniwang lagnat, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, pagtatae at pananakit ng tiyan ang mga sintomas ng ebola.
Pero kung umabot na ang lahat ng ito ng sobrang taas na lagnat na lalagpas sa 38.6 degrees centigrade o 101.5 fahrenheit, pagdurugo sa suka, tae, luha, laway at iba pang likido ng tao, pagsabayin na ninyo ang pagtawag kay Lord, taga-punerarya at doktor.
Unahan na lang ang mga ito sa pagsalba sa kamatayan ng maysakit o kaya’y pagdadala sa kanya sa doktor o sementeryo o altar.
Kapag nahawa ng ebola ang tao, mga Bro, mahihinog ang sakit ng mabilis gaya ng dalawang araw lang.
Pero maaaring umabot sa 21 araw ang paglabas ng sintomas.
Sa tagal ng paglabas ng sintomas ng sakit, hindi natin namamalayan na nahawa na pala tayo.
Eh, ugali natin ang walang tulugan at dyinggel lang ang pahinga na pag-aasikaso sa may sakit.
At kung namatay ang isang maysakit, nakupo, diyan matindi ang paghawa ng ebola.
Kaya naman, hindi na naglilibing ang mga kamag-anak ng mga namamatay sa Liberia, Sierra Leone at Guinea.
Ang gobyerno na lang ang pumupulot kahit saan, kahit sa kalsada, sa mga namamatay at sila na ang naglilibing.
Pati mga ulilang bata, ayaw nang kupkupin ng mga Africano sa takot na sila’y madamay sa kamatayan.
PALIPARAN AT PIER
Dalawang pintuan ng bansa ang pasukan ng ebola.
Ang mga airport o paliparan at pier o daungan ng mga barko.
Nasaan ang mga mahihigpit na pagbabantay natin sa mga lugar na ito na pasukan ng mga OFW, turistang dayuhan at iba pang uri ng mga dayuhan?
Napakarami nating paliparan at daungan. May mga taga-bantay ba tayo, mga Bro, sa mga lugar na ito?
Isipin natin: kung ang USA na napakagaling sa pagbabantay at iba pang mga mas maunlad na bansa ay napapasok ng sakit, tayo pa kaya na alanganin ang mga kasanayan, kaalaman at kagamitan ang hindi mapasok ng sakit?
PONDO SA CONDOM IDAMAY
Ngayon pa lang ay dapat nang maghanda nang todo ang gobyerno ng pondo, tauhan, ospital at lugar para kontrolin ang pagpasok ebola at gamutin, kung sakali, ang mga biktima sa bansa.
Hindi dapat na ubusin ang salaping bayan sa pagbili ng mga condom at kung ano-ano pa at lalong hindi dapat na ubusin sa politika ang ito.
Magkaisa lahat tayo, mga Bro, sa pakikipaglaban sa nakatatakot at mas masahol pa sa HIV-AIDS na sakit.
o0o
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA