HINDI na nakatutuwa itong ginagawa ng Departmernt of Social Welfare and Development (DSWD) sa kamay ni secretary Dinky Soliman sa mga kababayan natin na apektado ng iba’tibang kalamidad.
Itong huli, hayun, mabuti na lang at may nagbalita na taga-DSWD mismo na marami sa ipadadala nilang relief goods ay mga panis o sira na, mayroon pa nga daw nakita na inuuod, good job kung sino ka man diyan sa DSWD.
Hindi lang miminsan nangyari ang pamimigay ng sirang relief goods ng DSWD sa kamay ni Dinky, dahil kahit na noong panahon ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo (PGMA) ay nabuko na rin ng ilang beses ang kabulukan nila!
Pero bilib din tayo kay Aling Dinky ha, imagine, noong binayo ng bagyong Haiyan o Yolanda ang Leyte at mga kalapit lalawigan, santambak ang tulong na dumating mula sa maraming mga bansa, aba, ayaw niya ipamigay?
Katwiran ng may koloreteng buhok na maliit na babae ng Social Welfare, iinspeksyunin daw muna nila baka “mga sira” daw ang pagkain, pero huwag ka, ilang linggo lang ang nakaraan ay may mga nabibili na sa mga donasyong imported sa iba’t ibang supermarkets at groceries.
Sa Leyte at karatig lugar, mas ginusto ni Dinky The Social Welfare officer ni PNOY na masira ang mga donasyon lalo na yung libo-libong sako ng bigas at ng makita ang mga uod sa mga tinagong bigay aba eh nag go signal na itong aling may kulay ang buhok na ipamigay na ang bigas.
Pwede ba Ms. Donkey este Dinky Soliman, umayos ka!?!
Kung sabagay, sanay ka na nga pala sa ganyang sistema, at alam na alam mo rin na untouchable ka at hindi ka kayang alisin ng iyong amo kahit sinlaki ng Mayon Volcano pa ang iyong atraso sa bansa at mamamayan.
Pero mag-ingat ka rin madam, baka mapuno na ang taumbayan sa iyong kabulukan at hilahin nila ang hiblang buhok na nakadisenyo sa iyong ulo.
Siguro naman kahit pakitang tao lang sana ay pagsabihan naman ni PNOY ang kanyang mga tuta, este, tao, na huwag naman tratuhin ang mga biktima ng mga kalamidad, biktima na nga ng kalamidad bababuyin pa ninyo ang mga tao, ‘wag naman, maawa naman kayo.
Kayo kaya ang kumain ng mga expired at bulok na bigas, de-lata, noodles na ipamimigay ninyo sana sa mga residente?
Ang lakas pa ng loob ninyo na sabihin, “isang porsyento lang naman ang sira?”
Para ko nang nakikinita na nagsasaya ang mga taga DSWD dahil kumita na naman sila. Opo, siguro panay ang panalangin ni Dinky at ng kanyang mga kakosa sa kanyang ahensya na sana ay maging madalas ang bagyo’t kalamidad para mas malaki ang kanilang maibulsa.
Maliban diyan, sasargo na naman ang foreign goods tapos papalitan ng local, eh, ‘di piyesta na naman sila! Hoy Dinky, oo ikaw nga ‘yung maliit na babae na may kulay ang buhok, umayos ka nga!!!
Tanda-tanda mo na may pakulay kulay ka pa ng hibla ng buhok mo, mahiya ka nga, pambata lang ‘yang ginagawa mo, kaya siguro hindi mo naiisip ‘yung mga biktima ng kalamidad dahil ang nasa isip mo parati ay kung anong kulay na naman ang ilalagay mo diyan sa buhok mo.
Hay naku kawawang mga Pilipino, alipin na ay kinakawawa pa sa sariling bayan ng kapwa Pilipino na gahaman sa pera at kapangyarihan.
Pangulong Aquino, nasaan na ang tuwid na daan na ipinangako mo noong panahon ng election? LILY’S FILES/LILY REYES
