GUMAGANA ang hukuman ukol sa media killings.
Ito ang nakikita natin batay sa nagaganap sa kaso ng mga broadcater na sina Doc Gerry Ortega at Nestor Bedolido, Jr.
Binaril si Doc Gerry sa Palawan noong Enero 24, 2011 sa Palawan samantalang binaril din si Bedolido sa Davao de Sur noong Hulyo 19, 2010.
Utos umano ng mga malalaking politiko ang pagpatay sa dalawa nating kasamahan sa trabaho.
2 GOBERNADOR 2 MAYOR
Si dating Palawan Governor Joel Reyes at kapatid nitong si Coron, Palawan Mayor Mario Reyes ang itinuturong utak sa pagpatay kay Ortega.
Sina dating Davao del Sur Governor Douglas Cagas at Matanao, Davao del Sur Vicente ‘Butch’ Fernandez naman ang inaakusahang nagpapatay kay Bedolido.
Parehas na naisyuhan ang mga akusado ng mga warrant of arrest mula sa mga regional trial court na dumirinig sa kanilang mga kaso.
Tumakas ang mga Reyes palabas ng bansa samantalang sumuko sa hukuman sina Cagas at Fernandez.
Syempre pa, may iba pang mga akusado sa krimen, mga Bro.
CA: TULOY ANG KASO VS REYES
Nitong nagdaang mga araw, naglabas ang Court of Appeals ng desisyon na kumakatig sa pagdinig ng RTC sa kaso ni Ortega.
Matatandaang tumagal ang pagdinig sa kaso nang kuwestiyunin ng mga Reyes ang desisyon ng Department of Justice na gamitin ang “finding” ng ikalawang panel ng mga taga-usig na sangkot ang mga ito sa kaso.
Sa naunang panel ng mga tagausig, nilibre ang mga Reyes bilang mga akusado kahit na itinuro ang mga ito na utak sa pagpaslang.
Maaaring magiging tuloy-tuloy na ang pagdinig sa kasyo makaraang maglabas ang CA ng desisyon ngunit maaaring maudlot pa rin ito kung maghahabol ang mga Reyes sa Supreme Court na tiyak naman nilang gagawin.
Ano ang gagawin ng SC kung aapelahin ng mga Reyes ang desisyon ng CA?
Mabilis ba nitong pagpapasyahan ang apela upang gumulong na rin sana sa wakas ang paghahanap ng mga Ortega ng katarungan at katotohanan?
Sana naman, hindi aabutin ng siyam-siyam ang kaso gaya ng nangyari sa kasong Vizconde massacre na inabot ng nasa 20 taon bago nagkaroon ng pinal na desisyon mula mismo sa SC.
BITBIT ANG ARREST WARRANT
Bibit-bitbit ni Gov. Cagas ang warrant of arrest na inisyu ng RTC sa Davao nang magpakita ito sa nasabing hukuman.
Halos kasabay naman nito si Mayor Fernandez na sumuko bagama’t nasa ospital ito sa mga oras na isisilbi sana ang warrant of arrest para sa kanya.
Ang mga inutusan nina Cagas na sina Voltaire at Henry Mirafuentes, Jr., magkapatid, ang naghayag na sina Cagas ang nag-utos sa kanila ng pagbabarilin si Bedolido.
MGA MIRAFUENTES NAWAWALA
May malaking problema ngayon ang kaso kina Cagas, mga Bro. Nawawala at hindi matagpuan ang magkapatid na Mirafuentes.
Malaking katanungan ngayon kung paano uusad ang kaso sapagkat kung magsimula sana ang pag-uusig sa hukuman, ang mga Mirafunetes ang kauna-unahang tatanungin sa direct examination.
HUSTISYA WALANG SAYSAY
Sa pagkawala ng mga testigo laban kina Cagas, Fernandez at tatlo pang ibang akusado na sina Ali Ordaneza, Bado Sanchez at Artemio Timosan, Jr., malamang na mawalan din ng saysay ang kaso.
Kaya naman, dapat na gumawa ng paraan ang mga kinauukulan upang alamin kung nasaan ang magkapatid… kung buhay pa ang mga ito o patay na.
Dapat ding malaman kung sila’y umatras na bilang mga testigo.
Nakapagtataka lang na hindi yata inakay ang mga ito sumailalim sa witness protection program. O kaya’y sumailalim sa deposisyon.
‘Yun bang === kunan sila ng mga pahayag ng sa kautusan ng hukuman kahit wala pang pag-uusig bilang paraan ng pagkakaroon ng bisa ng kanilang pahayag anoman ang mangyari sa kanila.
SUBAYBAYAN ANG KASO
Dapat na subaybayan ng lahat ng media ang mga kasong ito na palatandaan na ang pamahalaan mismo ang may kagagawan sa halos lahat ng krimen o pagpatay sa mediamen.
Sa isang pag-aaral ng Committee to Protect Journalists, nakararami sa mga krimen o pagpatay sa mediamen sa Pinas ang kagagawan ng mga taong pamahalaan.
Ayon pa rin sa CPJ, mga Bro, naglalaro ang Pilipinas sa ikalawa at ikatlo na pinakamapanganib na bansa para sa mga journalist.
Nasa ganito ring kalagayan pa rin ang Pilipinas ukol sa takbo ng hustisya para sa mediamen.
Mapanganib na ang mahal kong Pinas, kakarampot pa ang hustisyang natatamo ng hanay natin sa kanilang kamatayan.
HINDI DAPAT NA MAGRELAKS
May mga panahon na nakalilimutan nating subaybayan ang nagaganap na pagpatay sa hanay ng mediamen.
At nagigising lang tayo at nagsisigaw tuwing may napapatay na mamamahayag.
Sana naman, magkaisa ang lahat ng mediamen sa pagsusulong ng hustisya.
Ito’y sa harap ng mga ligal at iba pang kalagayan na mahirap na dinaraanan ng mga biktima at ng kanilang mga pamilya.
Hindi sapat na ipagdasal natin ang mediamen na napapatay.
Magandang lagi nating itaas ang ating mga kamao para alalayan ang mga biktima sa kanilang sari-saring kalagayan.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333. ULTIMATUM/BENNY ANTIPORDA
