BAGAMA’T medyo minalas ang mga pambato natin sa ginanap na 17th World Shoot sa Florida, United States of Amerika nitong nakalipas na linggo na siyang itinuturing na Olympics sa practical shooting, nakapag-uwi pa rin ang Pilipinas Asintados ng siyam na gintong medalya, limang silver at apat na bronze at hindi bokya katulad ng ilang sports na sinasalihan natin.
Mayroon ba tayo niyan sa mga kinalolokohan natin na sports na gaya ng basketball?
Sayang nga lang at medyo yata napag-initan ng Range Officer ang ating idol na si Jethro Dionisio kaya minalas na na-disqualify siya sa huling stage ng kanyang sinalihang kategorya na Standard Division.
Isa si Jethro sa pinakamagaling na Standard Shooter sa buong mundo ngunit hindi na nabilang ang kanyang kabuuang score dahil na-disqualify siya.
Kuwestiyonable ang desisyong ito ng RO (ang tawag sa mga referee sa mga shooting competition) ngunit sa kabila ng apela ng mga kinatawan ng Pilipinas Asintados ay tuluyan na ngang hindi napasama sa bilang si Jethro.
Pumangalawa naman (silver medal) ang ating pambato sa Classic Division na si Edward Rivera.
Malaking bagay ito dahil ang mga pinakamagagaling sa buong mundo ang kanyang nakasagupa.
Pawang mga kampeon at gold medal winner ang ibang mga pambato ng Pilipinas Asintados na gaya ni Daniel Torrevillas (Classic Super Senior Category) at Michael Ron Ligon (Standard Junior Division).
Kampeon din ang Pilipinas Asintados para sa buong koponan ng Production Senior Category kaya nag-uwi ng trophy at tig-iisang gintong medalya sina Wilfredo Anglo, Rosendo “Bogie” Castro, Anthony Sy at Edwin Gotamco.
Tig-iisang gintong medalya naman ang nakuha nina Ken Dayle Tuan, Datu Al Wali Mangundadatu at Miguel Arimas matapos magkampeon ang kanilang team para sa sa Junior Open Category.
Hindi po biro ang sinalihang kompetisyon ng Pilipinas Asintados dahil may 1,000 kasali rito na nagmula sa iba’t ibang sulok ng mundo at marami sa mga ito ay may mga corporate sponsor pa para lang araw-araw na mag-ensayo upang lalong gumaling sa kanilang sports.
Isipin n’yo na lang kung bigyan din sana ng magandang suporta ang Pilipinas Asintados na gaya ng ibinibigay sa talunan namang Gilas Pilipinas at Team Azkals.
Tiyak na mas lalo pang mangingibabaw ang Pilipinas sa larangan ng shooting sports.
Mabuti na lang at kahit paano ay patuloy ang ibinubuhos na salapi at panahon ng mangilan-ngilang suporter ng shooting sports na gaya ni Sultan Kudarat Governor Suharto “Teng” Mangudadatu dahil kung hindi ay wala tayo ngayong Pilipinas Asintados.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
