KAKAIBA ang peligro na dulot ng “riding in tandem” holdaper at snatchers sa ating mga ordinaryong mamamayan.
Hindi lang naman sa Marikina at Metro Manila ang salot na ito. Pati sa ibang highly urbanized cities sa buong kapuluan ay laganap ang bantang ito. Actually, pati sa buong Asia – problema rin ito.
Kaya’t kung kakaiba ang problema – dapat kakaiba rin ang solusyon.
Sa Marikina, mismong ang Chief of Police na si PSSupt. Gabriel Lopez ang nagpanukala na lagyan ng gate ang mga subdibisyon o komunidad para matulungan ang pulis na masukol ito.
Pati ang konseho sa pamumuno ni Vice Mayor Jose Fabian Cadiz at Committee Chairman Kon. Ariel Cuaresma ay nagbigay ng mga exemption sa ordinansa na nagbabawal sa gate para sa mga komunidad at sa mga subdibisyon na nai-turn over na sa lungsod.
Sa pamamagitan ng resolusyon, pinayagan ng konseho ang Greenheights Subdivision, Hacienda Heights, atbp. na makapaglagay ng gate o barrier sa mga strategically-located street nito bilang proteksyon sa ng mga residente nila.
Ayon kay Harvey Curry ng Community Relations Office (CRO), mga higit sampung villages na raw ang exempted sa ordinansang ito. Buti na lang at nakasama ang Twinville rito. Totoo nga naman na mas mahalaga ang buhay ng tao kaysa sa kaluwagan ng trapik.
Nung panahon kasi ni BF, tinanggal ang mga gate at ipinagbawal ang pagtatayo nito sa mga turned-over subdivision bilang solusyon sa trapiko. Dahil dito mas maraming daraanan ang mga motorista na alternative routes. Isa pang dahilan ay para mas mabilis na makaresponde ang mga emergency unit ng munisipyo tulad ng Rescue 161, pulis, at mga bumbero.
Pero, iba na ang panahon ngayon. Nakatatakot nang maglakad sa kalsada lalo na’t bukas na bukas ang mga lansangan at maraming lusutan para makatakas ang mga kriminal.
Natural lamang na proteksyunan naming mga nasa komunidad ang aming mga sarili at mga mahal sa buhay.
Salamat naman at malalawak ang isip ng mga opisyal at mga residente ng mga katabi naming komunidad ng Donya Petra, Balubad, atbp. dahil nakita nila ang kabutihang idudulot nito pati na rin sa kanilang lugar. Ganun din ang mga tricycle at pedicab associations tulad ng FATWIBA at BAPODA.
Salamat din dahil suportado ng pamunuan ni Mayor Del De Guzman ang kakaibang solusyon na ito para sa aming kaligtasan at para mabawasan ang krimen sa lungsod ng Marikina.