MAY nakakausap tayong mga mayor, konsehal, kapitan, kagawad at iba pang opisyal ng pamahalaan.
Alam ba ninyo ang kanilang mga problema?
Walang natitira sa kanilang sahod na dapat sana ay para sa kanilang personal at pampamilyang pangangailangan.
Sa rami umano kasi ng nagkakasakit, namamatay, nagugutom at iba pa sa kanilang nasasakupan.
Puwera pa ang mga sinasalanta ng mga kalamidad dito.
MARAMI ANG NAGSISISI
Sa ibang salita, mga Bro, marami ang nagsisisi kung bakit napalaot sila sa pulitika.
Tuloy-tuloy raw pala ang gastos.
‘Yun bang === mula sa kampanya hanggang sa manalo sila.
Suwerte umano ang mga natatalo dahil pag tapos na ang halalan, tapos na rin ang pambabagabag ng mamamayan sa kanila.
Kung mayroon man ay hindi na gaanong ganu’n katindi.
ANG PATAY
Kahit saang bayan, makatatagpo ka ng mga patay na halos inaamag na sa lamayan.
Ang dahilan, hirap makaipon ang mga pamilya ng pampalibing.
Nagaganap ito, lalo na sa mga sentrong lungsod na kinakailangan pang idaan sa punerarya ang mga patay.
Bagama’t may mga nagbibigay ng murang serbisyo, nagmamahal ang mga ito dahil sa kasuwapangan ng ilang tauhan ng pamahalaan.
Kung daraan sa pulis ang bangkay, may patong na kung ilang libo ang mga ito sa sinomang puneraryang kanilang pagdadalhan.
At lalong bibigat ang bayarin sa mga pulis na nagsasagawa ng awtopsiya sa mga bangkay.
Kapag naging bahagi ng kasong kriminal ang patay, may mga nakararanas na nag-iiba ang nilalaman ng mga awtopsiya.
Sa halip na ang patay ang biktima, siya pa ang lumalabas na suspek.
Dinodoktor ang mga ginagawang awtopsiya na maaaring ikatalo sa kaso ng pamilya ng namatayan.
NAMUMULUBI
Balik tayo sa mga opisyal ng bayan kaugnay ng mga mahihirap na namamatayan.
Sa sobrang dami ng mga barangay na may patay, anak ng tokwa, dito namumulubi ang mga opisyal ng bayan.
‘Yang P500 lamang kada patay, mga Bro, ay namumulubi na sina sir at madam.
At alam ba ninyo ang nakalulungkot?
Galit pa ang mga namatayan sa “kakuriputan” umano nina mayor, konsehal, kapitan, kagawad at iba pa.
Mahirap maunawaan ng mga namamatayan ang kalagayan ng mga opisyal na namumulubi dahil sa paglilingkod sa bayan.
At kapag mayroon nang halalan, gaya ng magaganap sa Mayo 2013, naririyan na ang pagkalat ng tsismis laban sa politiko.
At maaaring ikatalo ng “kuripot” at “walang silbing ibinoto” ang pagkalat ng tsismis.
ANG MAYSAKIT
Isa ring ikinapupulubi ng mga opisyal ng bayan ang pagkakasakit ng kanilang mga nasasakupan.
Sa mahal ba naman ng pagpapaospital ngayon dahil sa kuwarto, gamot, professional fee (para sa doktor, nurse, midwife at kung sino-sino pa) at gamit gaya ng mga kumot at iba pa.
Kapag na-impound ang pasyente, lalo na sa mga pribadong ospital na hindi nakukuntento sa paniningil ng mahal na kuwarto, doktor, gamot at iba pang singilin, diyan na nagaganap ang kalbaryo ng mga opisyal.
Diyan umiiyak ang mga opisyal dahil mas mahal pa sa maraming pagkakataon ang paglalabas ng pasyente sa ospital kaysa ang bayarin sa mga punerarya.
KAPAG MILANAS
Lalong masama ang kalagayan ng mga opisyal ng bayan, kung namatay ang pasyente.
Kasi bukod sa pagkataranta nila sa bayarin sa ospital, problema rin nila ang pag-papalaya sa hino-hostage na bangkay.
Ang masakit, kuwento ng mga opisyal, pagdating ng halalan, marami ang hindi nagpapakita at kung nakikita man, sa kampo pa ng kanilang mga kalaban gumagala ang mga ito.
Ngeh!
SAKLANG PATAY
Hindi ba may matataas na opisyal na nagpapahinto sa mga itinuturing na iligal na sugal gaya ng saklang patay at tupadang pambarangay?
Dahil sa gipit na gipit ang mga lokal at maliliit na opisyal sa kagagastos sa kanilang mga nasasakupan, alam ba ninyong may ilang gumagawa na sa saklang patay at patupada na ligal?
Pinahihintulutan ang mga saklang patay at patupada para makatulong ang mga sugarol sa pagpapalibing, pagpapaospital at pagpapalaya sa mga hino-hostage ng mga ospital.
Katwiran ng mga opisyal, wala ni singkong duling na ipinadadala ang mga taga-Malakanyang para sa mga namamatayan, nagkakasakit na mamamayan sa mga munisipyo, lungsod at barangay.
Kaya nga dumidiskarte ang mga ito sa paggawa ng mga iligal na ligal.
HALALANG 2013
Lalong damang-dama ng mga opisyal ng bayan ang pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan at botante dahil sa nalalapit na halalan.
Lalo na sa mga lugar na malalakas ang bigkisan ng mga botante dahil sa pagkakaroon ng mga angkan at asosasyon.
Sa isang iglap, kung hindi napagbigyan ang isang angkan o malakas na asosasyon gaya ng mga senior citizen at drayber ng traysikel at jeepney, asahan mo na ang pagkatalo mo.
Kahit iboto ka pa ng mga may organisadong relihiyon.
Ganyan katindi ang kahirapan at pulitika sa mahal kong Pinas.
Matira ang matibay.
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.