SAKSAKAN na talaga sa kawalanghiyaan at katangahan itong security agency na nangangasiwa sa seguridad ng Bonifacio Global City sa Taguig. Saan ka naman nakakita ng isang commercial complex na bawal ang on-board camera sa mga sasakyan at bawal din kumuha ng pictures na walang pahintulot ang management? Ano ba ang itinatago ng mga ungas na ito at pati ang mga ito ay ipinagbabawal?
Napakarami na ang mga reklamo laban sa mga abusadong security guard ng BGC at nitong huli ay may nag-post sa social media ukol sa ginawang paninita ng isang naka-motor na security guard sa isang motorcycle rider na may dalang helmet camera.
Bagama’t wala namang naganap na pananakit na gaya ng ilang insidente sa loob ng commercial center na ito ay malaking palaisipan para sa akin kung ano ang dahilan ng naturang pulisya.
Kung tutuusin nga ay malaki ang naitutulong ng mga ganitong camera na gaya ng mga CCTV at naging susi upang masolusyonan ang napakaraming krimen gaya na lang ng naganap na kidnapping-extortion case sa EDSA na kinasangkutan ng Quezon City police.
Naging usap-usapan din sa social media ang ginagawang paghihigpit ng BGC sa pagkuha ng mga picture. Kailangan daw munang kumuha ng permiso sa kanilang management bago ka kumuha ng pictures sa loob ng commercial complex.
Maliwanag na bagama’t may karapatan ang BGC na magtakda ng mga patakaran sa loob ng naturang commercial center, hindi dapat natatapakan ng mga patakaran na ito ang mga karapatan ng mga mamamayan.
Ang anomang patakaran ay dapat makatwiran at may tamang dahilan dahil kailanman ay hindi maaaring mangibabaw ang ganitong walang kakwenta-kwentang patakaran sa mga batas ng bayan.
Pero teka, hindi ba’t lugar ito ni Sen. Alan Peter Cayetano na laging ipinangalandakan ang kanyang pagiging tapat at kalaban ng mga may itinatagong kabuktutan? Oh, sir, bakit ‘di mo paimbestigahan itong BGC management, eh, malinaw na isang paglabag sa karapatan ng mga mamamayan ang pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag?
Hindi ba paglabag ang ipagbawal ang paggamit ng camera sa isang pampublikong lugar?
Kung ang iginigiit nitong BGC ay may karapatan silang gawin kung ano ang gusto nila sa loob ng dating Fort Bonifacio ay nagkakamali sila. Ang BGC ay patuloy na nasa ilalim ng Bases Conversion Development Authority (BCDA) na pag-aari ng pamahalaan kaya wala silang karapatan na ituring na ito’y kanilang kaharian.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN