TAMA rin si Sen. Bongbong Marcos sa hindi niya agad pagdedeklara ng kanyang plano sa 2016 elections dahil batid niya na t’yak kabi-kabilang pagbatikos at paghahanap ng butas ang mangyayari sa kanya para ibagsak lang siya.
Minsan sa kanyang pag-iikot sa CAMANAVA area, nakausap ng mga mamamahayag ito at ginawa niyang halimbawa mismo si Pangulong Noynoy Aquino na noong 2009 ay isang senador lamang pero sa isang iglap o makalipas ang isang taon siya na ang Pangulo ng Pilipinas.
Nababanggit ko ito dahil kung hindi agad nagdeklara si Vice-President Jojo Binay sa kanyang ambisyon na maging pangulo, tutal mabangong-mabango naman siya sa tao at wala namang kwestyon na siya ang pinaka-qualified na pupwedeng pumalit sa puwesto ni PNoy, eh, sana hayahay siya ngayon.
Pero hangga’t wala pa ring mabigat na kalaban, kahit magpatuloy sa pagbaba sa survey itong si VP Binay, eh, kahit maghalalan at bumaba ang bilang ng kanyang boto pero kung siya pa rin ang mangunguna, natural siya pa rin ang madedeklarang Pangulo.
TIANGCO BROS’ BIRTHDAY AT NAVOTAS CITY HOSPITAL
Sa Nobyembre 21, sabay na magdiwang ang mag-utol na sina Navotas Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ng kanilang kaarawan lalo’t parehong natapat sa iisang date ito.
Ang highlight dito ay ang inagurasyon ng city-funded Navotas City Hospital na magiging operational sa Enero 2015 at mas maraming mahihirap na residente, lalo na ang libong PhilHealth cardholder, ang makikinabang dito.
Inamin ni Mayor John Rey na malaking hamon sa kanyang administrasyon ang pagsu-subsidize ng isang ospital pero, aniya, sa political will at todong suporta ng mga lokal na opisyal at kawani at mas pinalakas na revenue collection, walang imposible sa Navotas!
DAGDAG PANG PUMPING STATIONS
Talagang hindi titigil itong Tiangco brothers hangga’t hindi tuluyang nareresolba ang problema sa pagbaha dahil determinado sila na magpatayo pa ng ilan pang pumping station sa susunod na taon upang madagdagan ang 39 ngayon.
Sa tulong ng congressional funds ni Rep. Toby, maraming pampublikong imprastraktura at pasilidad, bukod sa libong housing units, ang naipatayo sa lungsod na mas maraming mahihirap na residente ang tunay na nakikinabang.
Nauna nang naipatayo ni Rep. Toby ang maraming pumping station noong siya pa ang alkalde at nadoble ang bilang nito nang umupo si Mayor John Rey noong 2010 kaya hindi talaga malayo na darating ang panahon na hindi na problema ng lungsod ang pagbaha. Talagang political will lang ang kailangan kung nais ng isang halal na opisyal ng gobyerno na maging maayos ang kanyang nasasakupan.
Mas marami kasi sa ating mga halal ng bayan ang magaling lang bago mag-eleksyon pero ‘pag nakaupo na, walang ginawa kundi magpayaman habang patuloy na naghihirap ang mga mamamayan.
Iba ang Tiangco brothers! GOOD RIDDANCE/ARLIE CALALO