NATUTUWA naman ako sa ginawang maayos na pag-aalaga ng ating pamahalaan sa mga peacekeeper na pinauwi ng gobyerno sa Pilipinas mula sa Liberia.
Grabe kasing tinamaan ng sakit na Ebola ang bansang Liberia kaya gusto nating maalis ang mga Pinoy peacekeeper doon.
Detalyado ang pag-aasikaso sa kanila, mula sa eroplano paglapag pa lang dito sa atin hanggang sa pagdadalhan sa kanila sa Caballo island.
Hindi sila pwedeng makita muna ng kanilang pamilya sa loob ng 21 araw na sila ay mailalagay sa quarantine.
Para siguraduhin na ligtas sila sa Ebola at hindi nila maipapasok ang sakit dito sa atin kung sakali man na may dala sila nito galing sa Liberia.
May nagsabi sa akin, bakit kasi iuuwi pa sila rito at bakit hindi roon na sila ilagay sa quarantine.
Hindi ako naging komportable sa komento na iyon.
Una, ang mga kababayan natin na peacekeeper ay naroon sa Liberia dahil miyembro tayo ng United Nations at ang mga miyembro ng UN ay hinihimok na tumulong sa mga bansa na dumaranas ng matinding pagsubok political man o social.
Dahil tayo ay mamamayan ng komunidad ng mga bansa na nagsusulong ng kapayapaan at kaayusan, ang ginagawa ng mga peacekeeper sa mga bansa tulad ng Liberia ay mahalaga para sa buong bansang Pilipinas.
Pangalawa, walang sintomas ng Ebola ang mga peackeeper natin na galing sa Liberia, malinaw ang kanilang record, malusog at malinis silang darating dito at walang dalang panganib.
Sila ay mga bayani – ito ang dapat na malinaw na mensahe sa kanilang pagbabalik.
Dapat ay salubungin sila bilang mga bayani at hindi iwasan.
Kailangan lang talaga silang ma-quarantine pansamantala para sigurado lang ang kaligtasan ng lahat pero pagkatapos ng 21 na araw hindi dapat malunod sa kwento ng Ebola ang kabayanihang ginagawa nila sa Liberia bago pa man pumutok ang epidemya.
At magagawa lamang natin na mapatingkad ang kanilang kabayanihan kung iaangat natin ang kwento ng peacekeeping mission ng mga UN-member country tulad ng Pilipinas sa mga nangangailangang bansa tulad ng Liberia.
o0o
Mag-email o mag-text ng inyong reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON