PASADO na po ang 2015 National Budget ng Malacañang sa Kamara.
Tumatagingting na P2.66-trilyon! Kung papaano pumasa nang hindi man lang sinuri ng maigi ng mga kongresista, tanging sila-sila lamang ang nagsasabwatan, este, nakaaalam.
Naalala ko tuloy noong bago ma-impeach si dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona. 188 na kongresista ang awtomatik na pumirma nang hindi man lang nasilip kahit isang letra sa impeachment document. Basta ang alam nila, malaking pera ang susuksok sa mga bulsa nila!
Unimaginable na wala pang 20% sa mahigit ang nababasa ng mga kongresista ay aprubado na kahit nakita ang malaking ERRATA o PAGKAKAMALI o P44-bilyon sa inihaing 2015 national budget ng Malacañang.
Sa dami ng mali sa unang isinumite na budget format ni Butch Abad, kilalang GURU NI JANET LIM-NAPOLES, imbentor ng Discreationary Acceleration Program (DAP) at iligal na nagpakawala ng Priodity Development Fund (PDAF) para lang mapatalsik si Corona!
Ang PDAF at DAP ay idineklara ng Supreme Court na iligal at walang bisa!
Dahil iligal, hindi ba dapat ay kasuhan si Abad at mga kasabwat niya ng isang libong ulit ng plunder?
Napakabobo rin naman ng mga kongresista para ipasa ang 2015 national budget. Sa pagsusuri ni dating National Treasurer-Professor Leonor Briones, nakita niya sa budget ang bagong mukha ng PORK BARREL-PDAF at DAP.
Ang totoo, paningit ito ni Abad para patuloy na MAGPISTA SA PONDO NG BAYAN ANG MGA BUWITRE SA KONGRESO! Sila ang kanilang mga kapartido’t kaalyado sa politika!
Okay lang naman kahit P3-trilyon pa ang pambansang budget basta ba gagamitin ito sa TAMA at LEGAL na mga proyektong bayan at pakikinabangan ng bayan.
Sa loob ng mahigit na apat na taon sa Malacañang ni Don Benigno Aquino 3rd at kanyang mga alipores, hanggang ngayon, wala tayong nakikitang KONGKRETONG PROYEKTO na pupwede nilang ipagyabang.
Sa nasabing budget, tiyak na magsasawa na naman sina Butch Abad and company sa laki ng pera na mahuhugot lalo na ngayon na malapit na ang eleksyon 2016. Kailangan ng kanilang partido ang malaking pondo dahil ang “sentimental” na manok nila, kahit anong kahig, walang makuha na bulate!
Epal kasi, eh.
May probisyon pa sila na taas-benepisyo raw sa mga obrero ng mga ahensya ng gobyerno? Mukhang nalimutan nila na sila mismo, si Pangulong Aquino mismo ang nagsabi kamakailan na wala silang maaasahang taas-sahod sa papasok na taong 2015!
Ukinnana nga biag Butch, peste yang “errata” mo, pista na naman kayo! BALETODO/ED VERZOLA