MUKHANG lumilinaw na ang akusasyon ni VP Jojo Binay na nagkaroon ng sabwatan ang Liberal Party at Nacionalista Party para siya pabagsakin.
Ito ang hindi mapasisinugalingang katotohanan matapos lumabas ang pangongondisyon ng isa sa mga boss ng LP na si Rep. Jerry Trenas ng Iloilo City sa koalisyon ng LP at NP sa 2016 pres’l derby.
Kitang-kita sa pagpapalutang ni Trenas na kasama sa kanilang game plan ang paggiba kay Binay kasunod ang pagpapabango naman ng LP-NP coalition.
Sa ginawang paglalatag ni Trenas sa plano ng LP na alam naman nating itatanggi rin ito ng naturang lapian, gusto nitong si DILG Sec. Mar Roxas ang maging standard bearer ng naturang koalisyon habang ang bise-presidente naman daw ay manggagaling sa NP.
Sa kasalukuyan ay dalawa sa NP ang nag-iingay at gumigiba kay Binay at ito’y sina Senador Antonio Trillanes at Alan Cayetano.
Sina Cayetano at Trillanes ay pawang gustong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa bansa kaya’t kung ating lilimiin ay talagang papunta na sa koalisyon ng LP at NP ang kanilang ginagawa.
Ipinakikita rin ng pahayag ni Trenas na buo na ang game plan para sa isinasagawa nilang pagkilos at malinaw rin na ito’y binalangkas ng dalawang lapian.
Magugunitang pinalutang ng kampo ni Binay na ang helicopter na ginamit sa pag-video sa Hacienda Binay ay pag-aari umano ni Cong. Egay Erice ng LP habang ang kumukuha ng video footage at tao naman daw ni Cayetano.
Halos sarado na ang naturang koalisyon kaya’t tiyak na titindi pa ang gibaan dahil nasa kanilang panig ang pangulo na alam din naman nating hindi magpapatalo. ALINGAWNGAW/ALVIN FELICIANO
