PANAHON na upang pairalin ang prinsipyo sa batas na deposisyon sa lahat ng mga saksi laban sa mga akusado sa karumal-dumal na Ampatuan massacre.
Kaugnay ito, mga Bro, ng pag-ambus kina Denix Sakal, dating tsuper ng principal massacre suspect na si Andal Ampatuan, Jr. at Sukarno Saug-dagal habang nakasakay ang mga ito ng motorsiklo upang makipagkita sa kanilang abogado sa Shariff Aguak.
Namatay si Sakal habang malubha namang nasugatan si Saugdagal.
Wala pang nakatitiyak kung maliligtasan ni Saugdagal ang kanyang kalagayan o kaya’y ligtas siya habang ginagamot sa ospital.
DEPOSISYON
Ang deposisyon, mga Bro, ay ang pagkuha ng hukuman ng testimonya ng mga testigo habang buhay pa sila at wala pang paglilitis sa kasong kanilang kinapapalooban at maaari nang gawing ebidensya sa oras na gagawin na ang paglilitis.
Ginagawa ang pagkuha ng deposisyon sa mga saksi o sinomang may kaugnayan sa kaso na nasa panganib o kaya’y sa kalagayang magiging sagabal sa pagkamit ng due process at katarungan sa mga hukuman.
Naging klaro ang pakahulugan ng deposisyon sa pagpipilit, halimbawa, ni Senator Miriam Defensor-Santiago na igawan na si Janet Lim-Napoles nito sa gitna ng mga banta sa kanilang buhay bilang isang saksi o akusado sa P10B iskam sa Priority Development Assistance Fund, Malampaya Fund at Disbursement Acceleration Program.
Naganap na ang panganib sa buhay nina Sakal at Saugdagal.
Si Saugdagal na nakaligtas sa pananambang ay dapat nang igawan ng deposisyon.
Dapat na ring isama ang iba pang mga saksi sa kaso sa paggawa ng mga deposisyon sa harap ng nangyari kina Sakal at Saugdagal.
DEPOSISYON vs AFFIDAVIT
Ang mga affidavit, mga Bro, kahit pinanunumpaan pa ng mga saksi, akusado at nag-aakusa ay walang halaga hangga’t hindi naisasalang sa iba’t ibang eksaminasyon sa hukuman.
Sa mga tinatawag na direct examination at cross examination at redirect at recross examination, lalabas at lalabas ang katotohanan at kasinungalinan na nakapaloob sa mga affidavit.
Pero sa deposisyon, ipinalalagay na pawang katotohanan at walang halong kasinungalingan ang mga pahayag ng saksi, akusado at nag-aakusa.
Kaya naman kailangang isailalim na sa deposisyon ang mga saksi, akusado at nag-aakusa na maaaring mamatay o mabalda anomang araw sa anomang dahilan kaugnay ng Ampatuan massacre.
MGA SAKSI NAUUBOS
Ilan na nga ba ang mga pinapatay na saksi kaugnay ng kasong ito?
May ilan na at pinakahuli ang kaso nina Sakal at Saugdagal.
Kung magtatagal nang magtatagal ang paglilitis sa kaso kahit sa antas ng regional trial court lamang, hindi imposibleng maubos ang lahat ng mga saksi, lalo ang mga saksing susi ang mga pahayag para tuluyang makilala at maparusahan ang mga may pananagutan sa masaker.
Saan pupunta ang kasong ito kung mamatay ang lahat ng mga saksi at nag-aakusa bago magkaroon ang RTC ng sapat na batayan o ebidensya sa paglalabas ng desisyon?
Totoo na may iba pang mga ebidensya gaya ng mga material na bagay o dokumento kaya laban sa mga akusado.
Pero ang personal na pahayag ng mga saksi ay lubhang mahalaga lalo na sa mga bagay-bagay o usaping hindi kayang palitawin ng mga material at dokumentong ebidensya.
Ang personal na kaalaman at pagtuturo ng saksi sa mga may gawa ng krimen nang walang itinatago at walang halong kasinungalingan ay napakatibay na ebidensya na batayan para sa makatarungan at makatotohang desisyon.
AKSYON KAAGAD
Hinihiling natin sa hukuman ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na magsagawa na ng deposisyon sa lahat ng mga saksi at kung gusto nito, sa mga akusado at nag-aakusa upang magsilbing ang mga ito na matitibay na ebidensya sa paglilitis..
Sa ngayon, may kaugnay na kaso na nakabinbin sa Mindanao at lumalabas na rito nagaganap ang mga pagpatay.
Pero maaari ring maganap ang pagpatay o kamatayan kahit sa Metro Manila na pinaglilitisan ng kaso.
At dahil sa nararamdamang matagalan ang paglilitis, lalong kinakailangan ang deposisyon.
Judge Solis-Reyes, nasa inyo na po ang bola.
Kailangan ninyong gawin ito upang matiyak na tama at hindi pilipit na katarungan ang inyong magiging desisyon sa huling mga araw.
Aba, kilos na!
oOo
Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www. remate.ph o i-text sa 09214303333. ULITIMATUM/BENNY ANTIPORDA