TAMA ba o mali ang ginawa ni DOH Secretary Dr. Janet Garin, at AFP Chief, General Gregorio Catapang, Jr. na dumalaw sa mga peacekeeper na galing sa Liberia na walang protective gears laban sa kinatatakutang Ebola?
Nalilito kasi ang marami sa media exposure nina Garin at Catapang nang dumalaw ang dalawang mataas na opisyal ng gobyerno sa mga naka-quarantine na peacekeeper.
Naka-expose at walang suot na protective gears ang mga opisyal ng DOH at AFP na siyang ipinag-uutos sana ng protocol tungkol sa quarantine.
Nakalilito naman kasi ang mensahe ni Doktora Garin at ni Heneral Catapang sa ginawang pagbisita nang ganoon lang, parang ipinagwalam-bahala ang sariling patakaran ng kanilang mga ahensya. Ang unang nalilito ay ang pamilya ng mga peacekeeper na kailangan pang maghintay ng 21 araw bago man lang makita ang kanilang mga mahal sa buhay na galing sa Liberia.
Ang tanong nila, kung wala naman palang peligro at sigurado nang ligtas ang lumapit sa kanila na mga kaanak na walang protective gear, bakit pa ipinagbabawal silang lapitan ang mga ito?
Ano kaya kasi ang ibig ipahiwatig ng DOH at ng AFP na nire-represent nina Secretary Garin at General Catapang sa Caballo Island? Ang ibig bang sabihin nila ay lahat bawal lumapit sa mga peacekeeper nang walang proteksyon maliban sa kanilang dalawa na matataas na opisyal ng pamahalaan?
Hindi ba sila mahahawaan kung sakali, samantalang maging ang driver na nagdala sa mga dumating na peacekeeper sa bansa ay nakasuot ng proteksyon?
Siguro naman ay maganda ang intesyon nina Garin at Catapang, pero nakalilito ang mensahe nila, marami ang nalito, marami ang disappointed sa ipinakita nila at marami ang nag-iisip tuloy na mas ipinahamak nila ang buong bansa.
Ang malinaw lang sa iba ay nilabag nina Garin at Catapang ang sarili nilang protocol bilang kinatawan ng DOH at AFP, dalawa sa pinakamahahalagang ahensya ng pamahalaan patungkol sa kaligtasan.
Kung nagtiyaga lang sana sila at hinintay na matapos ang 21 araw at ginalang ang prinsipyo ng proseso ng quarantine period, mas naging okay pa sana.
***
Mag-email ng inyong reaksyon sa ariel.inton@gmail.com or text sa 09178295982 o 09235388984. SIBOL/ATTY. ARIEL ENRILE-INTON