MISMONG si Justice Sec. Leila de Lima na ang nagpapatunay na buhay na buhay ang drug dealing sa mismong loob ng New Bilibid Prison. Lingid sa kaalaman ng NPB officials, sumama si De Lima sa ginawang lighting ‘raid’ kamakailan sa compound ng state penitentiary.
Nagpupuyos sa galit ang justice secretary sa nasaksihan dahil sa parang hari na pamumuhay ng mga kilalang nakakulong. Karamihan, kung hindi man lahat na ‘nagbubuhay-hari’ sa loob (NBP), ay high-profile crime boss, tulad ng druglord.
Kung bakit buhay-hari, aba’y ang kulungan ay kompleto ng kagamitan tulad ng internet gadgets, malalaking LED TV, atbp.
Ang ilan sa mga inmate na ito ay nakitaan pa ng mga mamahaling relo tulad ng Rolex, Patek Philippe, Cartier at Panerai.
Sa nakitang ito mismo ng kanyang dalawang mata, aba’y hindi dapat magpakampante ang matapang na DOJ lady boss.
Kung sabagay, nasabi na ni De Lima na ‘heads will roll’ at inaasahan ng madla na ‘di lang lip service ang dapat gawin nito. Para tumino ang NBP, kailangang makita ni Mang Juan na may matatanggal, ‘di lang iilan kundi maraming opisyal ng Bilibid.
Ngayon ay napatunayan na niya na totoo pala ang tsismis na nakapag-o-operate pa ang nahuli at nakakulong na drug lords sa NBP.
Kailangang linisin ang NBP at ngayon na.
COL. FIDEL, KILOS NAMAN!
Tuloy-tuloy pa rin – Bauan Mayor Ryan Dolor – ang baklay den sa Bauan cockpit sa Bgy. Maglinao.
Matindi rin ang operasyon ng ‘baklay’ sa JV cockpit sa Bgy. Quilib, Rosario, pero ‘di rin kumikilos si Mayor Manny Alvarez at Col. Telesforo Domingo.
Isa pang inirereklamo na nagpapalaro ng baklay ay ang Leon Force MK Force complex sa Bgy. Dos, sa Mataas na Kahoy.
Ang operator ay isang ‘Aling Mavic’ na kung tawagin ay ‘baklay queen’ mula sa Tiaong, Quezon at financier ng iba pang baklay sa R-4A.
Isang nagngangalang ‘Amber’ ang diumano’y katiwala ni Aling Mavic sa operasyon ng kanyang baklay sa Leon Force MK Force complex.
Inirereklamo rin ang tupada ng isang ‘Col. Malinao’ sa Purok 6 sa Bgy. Mabini, malapit sa Villa Marilla Subd., sa Lipa City.
Kumilos ka naman, Col. Jireh Omega Fidel, sir. CHOKEPOINT/BONG PADUA

