MALAKING tulong sa laban ng pamahalaan sa terorismo at sa money laundering ang nabuong bagong sistema ng local company na Mohur Inc., na nakadisenyo para pigilan at masubaybayan ang mga transaksyon ng pera na nagmula sa iligal na gawain at pamamaraan.
Ang ilan sa mga magagandang feature ng computer software na tinatawag na 247 RemitPlus ay ang kakayahan nitong magsagawa ng audit trail at magsiyasat ng mga transaksyon kahit limang taon na ang nakaraan, gayundin ang pagsasailalim nito sa anti-money laundering and terrorist interdiction program.
Ibinida ni Mohur CEO Eduardo L. Burgos, Jr. , na isa ring dating mamamahayag at pamangkin ng press freedom icon na si Joe Burgos, na ang 247 RemitPlus ay may centralized controlled real time monitoring ng lahat ng transaksyon sa lahat ng level mula sa money transfer organizations (MTOs) patungo sa mga remittance agent hanggang sa mga customer.
Idinagdag pa ni Burgos, dating Information Attaché ng Philippine Embassy sa Australia, na kayang ma-accommodate ng kanilang sistema ang listahan ng mga personalidad na may kahina-hinalang mga transaksyon.
Kabilang sa mga personalidad na ito ang mga corrupt na opisyal ng pamahalaan, mga plunderer, terrorista, tax evader, smuggler, drug trafficker, arms dealer, kidnapper, illegal recruiter, forger, stock fraudster, corporate embezzler, high roller at marami pang iba.
Subalit kailangang ibigay muna ng AMLC sa 247 RemitPlus ang listahan nila ng pinaghihinalaang mga money launderer para naman maisama sila sa watchlist account validation.
Maliban pa sa ilang napakahalagang security feature nito ay masasabing perfectly compliant din ito sa RA 10365 na nilagdaan ni Presidente Benigno Aquino III noong nakaraang Pebrero ng taong ito.
Pinalakas pa ng batas na ito ang umiiral na Anti-Money Laundering Act sa pamamagitan ng pag-aatas sa lahat ng financial institution na magsumite ng listahan ng kahina-hinalang mga financial transaction.
Dahil sa mga impresibong katangian nito ay pasado rin ang 247 RemitPlus ng magsagawa ito ng demonstration sa Bangko Sentral ng Pilipinas na kinatawan ni Heidi Gomez ng Integrated Supervision Department 1 (BSP-ISD 1) noong Marso 29, 2013.
Kaya naman hindi kataka-taka na napili ang 247 RemitPlus ng isang chain ng convenience store bilang agent para sa kanilang international remittance business sa bansa. OPENLINE/BOBBY RICOHERMOSO
