NOON, ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila ay maituturing na tuwing may pambansang okasyon lamang. Lalo na sa araw ng uwian sa mga probinsya, Pasko at Bagong Taon. Noon, may trapik man, kayang pagpasensyahan.
Ngayon, sa kamay ni Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty. Francis Tolentino, para bang regular nang kasama natin ang mabigat na daloy ng trapiko sa Metro Manila, lalo na sa EDSA!
Sabi nga ng mga dayuhan, for the Guinnes Book of World Record ang nakikita at nararanasan natin na trapiko sa araw-araw. Bakit? Aba nga naman, mistulang “pinakamalaki na parking lot”, eh. Marami sa mga estudyante at propesyunal natin ang nahuhuli sa pagpasok sa kanilang trabaho at klase.
Bakit MMDA?
Nasaan na ba ‘yung mga masisipag na MMDA traffic constables sa panahon ni dating MMDA chair Bayani Fernando? Bakit sila inalis at pinalitan ng traffic enforcers mula pa sa Tagaytay? Totoo ba ito Tserman Francis?
Noon, makikilala natin ang lehitimo na traffic constable sa mga pangunahing lansangan dahil sa malalaki at mapuputing motorsiklo.
Ngayon, labo-labo ang motorsiklo. Ang matindi, kapag nagsumbong ka ng kasong pangongotong, tatanungin ka kung nakuha ang pangalan ng MMDA enforcer.
Paano malalaman, eh’ uso na rin na nakasuot sila ng jacket at hindi makita ang pangalan? Bakit nga pinapayagan mo ito, Tserman Francis?
Totoo ba na masyadong malaki ang kota nila na dapat maipasok sa MMDA kada araw?
Okay lang kung mangikil at mangotong ang mga tauhan mo pero sana ay unahin nila ang pagsasaayos ng trapiko. Madali kung gustong gawin pero kung ang nasa isip ay pangongotong to the max, walang lunas ‘yan!
Kahit saan ka mag-ikot na may MMDA traffic constable, iisa ang kanilang porma. Walang paki sa traffic. Nakatuon ang atensyon nila sa “number coding” lang. Ibig-sabihin, pera na naman.
In fairness kay tserman, nag-iisip naman siya ng solusyon kung paano mareresolba ang matinding daloy ng trapiko. Kaya lang, puro imbensyon.
Tuloy, sa halip maresolba, lalong nababaon ang mga motorista sa mas matindi pang daloy ng trapiko!
Hindi masama, Mr. Tolentino, na gamitin mo ang sistema ng iyong pinalitan na pinuno ng MMDA, si BF. Subok na ang kanyang paraan ng pagpapaluwag ng trapiko. Subukan mo. Huwag kang mahiya.
Hindi na biro ang nararanasan ng mga motorista sa lahat ng dako ng Metro Manila sa kamay ng MMDA ngayon. Malala na itong sakit – GRABENG KANSER!!! BALETODO/ED VERZOLA

