SOBRANG nakagagalit ang nabuyangyang na kalokohan sa New Bilibid Prison (NBP). Ang akala ko kasi kapag ikaw ay ikinulong, ito’y upang pagdusahan mo ang iyong mga ginawang kasalanan ngunit sa kaso ng mga nakakulong na kriminal sa Pilipinas, aba’y puro pasarap pala ang ginagawa ng mga ito!
Habang naghihinagpis ang kanilang mga biktima sa labas at halos mabaliw sa paghahanap ng pera upang matustusan ang kanilang paghahanap ng hustisya, heto’t para palang nakatira pa sa five-star hotel itong mga krimininal na gaya nitong si Herbert Colangco na isang convicted na holdaper ng mga bangko.
Mantakin mo, may sariling music studio pa ang mokong sa loob ng bilibid at nakapag-record pa pala ito ng kanta sa loob ng kulungan at nagawa pa niya itong ilako sa isang record company?
Sangkatutak na salapi at alahas, kasama na rito ang mga relong Rolex ang nadiskubre sa kanyang kulungan na daig pa ang suite ng isang five-star hotel.
Bukod kay Colangco, may 19 iba pang mga tinatawag na high-profile convict, kasama na rito ang mga druglord, ang namumuhay na parang nagbabakasyon lang sa loob ng NBP. Kumpleto ang mga ito ng mga kagamitan at maging ang mga matataas na kalibre ng baril at hindi mo talaga aakalain na sila ang mga bilanggo.
Kontodo computer na may wi-fi pa, may mga alak, aircon, may jacuzzi at may sex toy pa ang mga tarantado samantalang dapat sana sa mga ito ay ginagawa na lamang na fertilizer dahil sa tindi ng kanilang mga ginawang mga krimen.
Tutal din lang at sinimulan na ito ni Justice Secretary Leila de Lima ay nararapat lamang na magkaroon ito ng tunay na kahihinatnan.
Una ay magkaroon dapat ng kautusan na nagbabalewala sa anomang panahon na nauna nang ginugol ng mga ito sa kulungan at ibalik sa simula ang bilang ng kanilang panahon sa loob ng kulungan.
Pangalawa ay kinakailangang tiyakin na ang bawat isa sa kanila ay magdusa sa loob ng maliit at mala-bartolina na kulungan sa loob ng panahon na katumbas ng panahon na sila ay nagpasarap sa loob ng ating mga kulungan.
Pangatlo, ngayon pa lang ay dapat inaaresto na ang lahat ng mga NBP personnel na sangkot at agad kasuhan ang mga ito nang sa ganoon ay magsama-sama sila ng kanilang mga padridong kriminal.
Palitan dapat lahat ang mga tauhan dito, kasama na ang mga administrative personnel dahil tiyak na puro mga kasapakat ang ito ng mga nagpapasarap na mga convict.
Kinakailangan ang overhaul sa buong sistema ng Bureau of Corrections at ang mga tauhan dito magmula sa baba hanggang sa taas ay kailangan nang sibakin at palitan ng mga bagong tauhan na may matitibay pang mga paninindigan.
Sa tingin ko kasi, ang nadiskubre ni Secretary De Lima ay hindi lang nangyayari sa NBP kundi sa ibang mga kulungan sa ibang bansa.
***
Para sa inyong komento at suhestyon, mag-email lamang sa gil.bugaoisan@gmail.com. BIGWAS/GIL BUGAOISAN
