HINIMOK ng Social Security System (SSS) ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nakarehistro sa SSS na pagtuonan nila ang kanilang personal na pananalapi sa pamamagitan ng pag-iimpok, at pumasok ulit sa Flexi-fund program para sa mga OFW.
Ayon kay Judy Frances A. See, Senior Vice-President at International Operations Division Head ng ahensya, ang inilabas na ulat mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) 2013 Survey sa mga OFW, dalawa lamang sa bawat limang OFW ang nakakapag-ipon mula sa kanilang cash remittance.
Ipinakita rin sa PSA survey na 40.7% sa 1.9-milyong OFWs na nagpapadala ng kanilang remittance ay nakakapag-ipon lamang mula sa kanilang ipinadala, na may 2.2% mas mababa ito kumpara sa kaparehong datos noong 2012.
“Dapat gawing prayoridad ang pag-iipon dahil kapag umuwi sila rito at natigil na ang kanilang kita, kailangan na nila pagkasyahin kung anomang natira sa kanila. Kaya mahalaga na may mapaglaanan sila ng kanilang reserba, tulad ng kanilang impok sa SSS upang mabawasan ang kawalan ng kanilang kita,” ayon kay See.
Sa ilalim ng regular na programa ng SSS, ang isang miyembrong OFW ay maaaring maghulog ng hindi bababa sa P550 base sa P5,000 na minimum “monthly salary credit (MSC)” para sa mga OFW hanggang P1,760 kapag P16,000 ang maximum na MSC. Maaaring magamit ang impok sa SSS sa kanilang mga benipisyo sa anyo ng pera na maaaring magamit sa oras ng pangangailangan tuad ng pagkakasakit, pagbubuntis, kapansanan, pagreretiro at kamatayan, dagdag ni See.
“Magandang simulain ang makapag-ipon ang bawat isa, kahit sa maliit na halaga lamang pero sa regular na paraan. Lumaki ang halaga ng pera na-impok sa pagdaan ng mga araw lalo na kapag nailagay mo sa mayos na pamumuhunan”, dagdag pa niya.
“Inaasahan namin na sana nasa isipan lagi ang pag-iipon ng aming mga miyembro sa pamamagitan ng alternatibong programa, tulad ng SSS Flexi Fund,” ayon kay See. ANG INYONG LINGKOD/DR. HILDA ONG